Kahilingan ng DAR upang magkaroon ng sapat na pagkain sa bansa, inayudahan ng Covid-19 Inter-Agency Task Force

Ipinagkaloob kamakailan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (AITF-EID) ang hiling ng Department of Agrarian Reform (DAR) na gawaran ang ahensya ng pahintulot na makapag-isyu ng mga quarantine accreditation passes sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) upang maipagpatuloy ang pagpapadala ng mga produktong agrikultural sa mga lugar na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ang hiling na makapag-isyu ng mga quarantine passes ay nagmula kay DAR Secretary John R. Castriciones dahil sa nakita niyang pangangailangan ng mga tao na nasa mga kritikal na lugar sa ilalim ng ECQ, na magkaroon ng mabibiling pagkain.

"Ang inisyatibang ito ay makatutulong sa dalawang paraan. Una, ito ay bilang suporta upang magkaroon ng sapat na pagkain ang bansa. Pangalawa, ito ay malaking tulong sa ating mga magsasaka na magkaroon ng kita dahil sa patuloy na pagbebenta ng kanilang mga produkto sa panahon ng covid-19," ani ni Castriciones.

Sa kasalukuyan, ang DAR ay bumubuo ng isang Memorandum Circular na magiging patnubay ng mga magpapatupad sa proyektong ito.

"Nagpapasalamat kami sa IATF-EID dahil sa binigay nilang pahintulot na makapag-isyu ang DAR ng mga quarantine pass sa mga ARBs. Mapapabilis nito ang proseso ng pagtitinda at pamamahagi ng mga produktong agrikultural sa mga kritikal na lugar," ani ni Castriciones.

Dagdag pa ni Castriciones, ang mga quarantine pass ay magbibigay pahintulot sa mga supplier at mga trak na maghahatid ng mga produkto na mabigyan sila ng mga insentibo gaya ng truck-ban exemption, mabilis na pagdaan sa mga checkpoints at agarang pagtulong mula sa mga lokal na pamahalaan.

Ang pag-iisyu ng mga quarantine pass o ng mga food pass ay ipinapatupad sa ilalim ng Foodlane Project kung saan ang DAR at iba pang ahensya ng pamahalaan ay nagsama-sama para sa mabilis at epektibong pamamahagi ng mga produkto mula sa mga magsasaka at mangigisda.

#AgrarianReformPH #SupportServicesDelivery