Landbank nagkaloob ng isang taong palugit para sa pagbabayad ng amortisasyon sa lupa ng mga magsasaka

Pinuri ng Kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR) John R. Castriciones ang inisyatibo ng Land Bank of the Philippines (LBP) Board of Directors, dahil sa pagpasa nito ng isang resolusyon na magpapataw ng isang (1) taong moratoryum o magpapaliban sa pagbabayad ng amortisasyon sa lupa ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).

“Ang LBP ay pinamumunuan ni Pangulo at Chief Executive Officer Cecilia Borromeo at ang kanilang aksyon ay alinsunod sa mandato ng pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan Heal As One Act o RA 11469. Ito ay naaayon din sa mga direktiba ni Pangulong Rodrigo R. Duterte upang maipatupad ang social amelioration measures sa ilalim ng national health emergency,” ani Castriciones.

Ang RA 11469 ay batas na ipinatupad kamakailan upang malunasan ang krisis na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Layunin ng resolusyon ng LBP na tulungan ang mga ARBs sa kanilang suliraning pang-pinansiyal sanhi ng enhanced community quarantine (ECQ),” pagdidiin ni Castriciones. Ang Kalihim ng DAR ay umuupo bilang Board Director ng LBP.

Sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ang mga lupang pang-agrikultural ay ipinamamahagi sa mga kwalipikadong kasama o tenants, mga magbubukid at at iba pang nagbubungkal ng lupa.

Ang LBP ang siyang nagtatakda ng tamang bayad ng mga lupain ng mga may-ari ng lupa na nasasakop sa ilalim ng CARP. Ang mga ARBs naman ay mayroong obligasyon na bayaran sa LBP ang lupang naipamahagi sa kanila ng DAR sa loob ng 30 taon na may anim na porsiyentong taunang interes.

Inaprubahan din ng LBP Board ang 30-araw na palugit para sa mga utang na ang takdang oras ng pagbabayad ay tumama sa panahon ng ECQ. Ibig sabihin, ang mga may utang na indibidwal, pamilya, maliliit na grupong may negosyo at iba pang grupo ng mga mangungutang ay hindi na papatawan ng mga dagdag na interes, multa, bayad at iba pang singil simula sa 30-araw na palugit at sa mga susunod pang araw ng bayarin.

Ang LBP ay magkakaloob din ng emergency loan sa mga local government units (LGUs) sa ilalim ng HEAL o Help via Emergency loan Assistance for LGUs Lending Program. Sa programang ito, makaka-utang pa rin ang mga LGUs kahit wala pa silang naipapadalang Internal Revenue Allotment (IRA) sa LBP. Layon ng HEAL na makapaglaan ng kapital sa mga LGUs bilang dagdag na pondo na maipang-tutustos nila sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Ang halaga na maaaring utangin ng mga LGUs ay maaring maging base sa kanilang aktuwal na kahilingan at hindi dapat lalagpas sa kanilang net borrowing capacity (NBC). May isang taong palugit ang ipinagkakaloob ng LBP sa mga LGUs bago nila simulang bayaran ang kanilang mga nautang at ito ay babayaran sa loob ng limang taon na mayroong limang porsiyentong taunang interest.

#AgrarianReformPH #SupportServicesDelivery