Felixberto Q. Kagahastian, bagong PARO ng Batangas
Bago dumating ang takdang araw ng election ban ay nilagdaan ni Kalihim Nasser C. Pangandaman ang Special Order na nagtatalaga sa mga Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) sa kani-kanilang bagong place of assignment kasama na ang lalawigan ng Batangas.

Itinalaga bilang kapalit ni PARO II Cynthia E. Lapid si PARO II Felixberto Q. Kagahastian samantalang si PARO Lapid naman ay mapupunta sa lalawigan ng Cavite.

"Mahalin ninyo si PARO Felix gaya ng pagmamahal ninyo sa akin.  Alam ko na sa bawat probinsya ay may bagong pakikipagsapalaran at handa na ako dito.  Dito sa Batangas ay walang magiging problema si PARO Felix sapagkat lahat ng bagay dito ay organisado maging ang staff ay tunay na masisipag, magagaling at maaasahan.  Ito'y lagi kong ipinagmamalaki sa kanila na kahit sinong PARO pa ang maitalaga sa Batangas ay hindi mamumroblema," pahayag ni PARO Lapid.
"May LGU na laging masasandalan, mga kongresista na tuwina ay kaagapay natin at mga line agencies na maaasahan at higit sa lahat ay nariyan din ang mga media na sa tuwina ay kabalikat natin sa implementasyon ng CARP.  May People's Organizations at Non-Government Organizations na lagi kang kakampihan at mga mamamayang may sipag at tiyaga sa paghahanap-buhay," dagdag pa niya.

Pinasalamatan din niya ang mga taong naging bahagi ng 132% accomplishment para sa taong nagdaan at ang iba't-ibang award na natanggap ng Batangas sa panahon ng kanyang panunungkulan at paghandaan ang turn-over sa darating na araw.

Si PARO Felix ay isinilang noong Pebrero 3, 1952 sa Quezon City.  Siya ay pangatlo mula sa apat na anak nina Leopoldo Dans Kagahastian at Cresenciana Madrinan Quezada ng Paete, Laguna.  Sa kasalakuyan, siya'y naninirahan sa Calamba City sa piling ng kanyang asawang si Maria Teresita Custorio at ang tatlong anak na sina Frances Marie, Michael Oliver, at Joy Marie.

Nagtapos siya ng elementarya sa San Jose Elementary School at sekondarya sa Lourdes School sa Quezon City.  Nagtapos siya ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila sa kursong AB Social Science.  Nagpatuloy siya sa La Salle Business School at nakapagtapos ng Master in Business Administration.

Mula 1977 ay naglilingkod na siya sa pamahalaan - sa National Council on Integrated Area Development (NACIAD), Manila sa tanggapan ng Prime Minister.  Napadpad siya si Department of Agriculture-Central Office hanggang sa noong January 2, 1989 ay natanggap siyang Supervising Agrarian Reform Specialist sa Department of Agrarian Reform-Central Office at sa loob lamang ng anim na buwan ay napromote bilang Supervising Agrarian Reform Officer sa Bureau of Agrarian Reform Beneficiaries Development.  Muli ay napromote sila bilang PARO I sa DAR-Occidental Mindoro at naging PARO II ng Laguna sa loob ng 8 taon.

Napalipat siya sa lalawigan ng Rizal sa loob ng dalawang taon gayundin sa lalawigan ng Romblon sa loob ng isa't kalahating taon.  Mula Enero 2007 hanggang Disyembre 2009 ay naging PARO II siya ng lalawigan ng Cavite.

Si PARO Felix na isa ring Career Executive Service Officer V (CESO V) kagaya ni PARO Cynthia ay dalawang kamay na tinanggap sa lalawigan ng Batangas.  Dalangin lamang ng mga Batangueño na kung hindi man higitan ang mga nagawa ni PARO Lapid ay mapantayan man lamang niya ang mga accomplishments nito.
back to news   |