Virtual Court hearing matagumpay na naisagawa ng DAR-Abra

Ang pagiging malikhain ay napapanahon sa ngayon, kahit na sa opisina ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan o Department of Agrarian Reform (DAR) sa Abra, habang patuloy na nananalasa ang Novel Corona Virus 19 sa buong bansa.

Imbes na umupo lamang at maging kampante , si DAR-Abra provincial agrarian reform adjudicator (PARAD) Atty. Lailani Carmelita R. Magbanua ay nakalikha ng isang paraan sa pagdinig ng mga nabinbing kasong agraryo habang isinaalang-alang ang kaligtasan at kapakanan niya, ng mga empleado,at maging ang mga partido sa mga kaso, laban sa Covid (Coronavirus disease) 19 .

Ang opisina ng PARAD ang nagsisilbing korte na itinatag ng DAR sa bawat lalawigan upang dinggin ang mga kasong agrayo at iba pang may kinalaman dito. Ito ay nasa ilalim ng RARAD sa bawat Rehiyon at ng DAR Adjudication Board (DARAB) sa central office.

Tinaguriang “Virtual Court Hearing,” sinabi ni Magbanua na ito na ang maaaring maging “new normal” para sa pagdinig ng mga judicial at quasi-judicial proceedings habang hinihintay ang gamot sa virus ng Covid-19.

Ipinaliwanag ni Magbanua na ang DAR-Abra ay pinagsisikapang tuklasin ang iba pang paraan gamit ang makabagong teknolohiya upang makatulong sa agarang pagbibigay hustisya sa kanilang mga kliyente.

“Wala tayong panahon para hintayin kung kailan matutuklasan ang gamot laban sa Covid 19. Kawikaan nga: ‘Ang mabagal na pag-usad ng kaso ay nagkakait ng tamang hustisya at nararapat na hatol dito.’ (‘justice delayed, justice denied,’)” aniya.

Ayon kay Magbanua, ang virtual court hearing ay maihahalintulad sa karaniwang pagdinig ng kaso, kung saan kailangan ang presensiya ng lahat ng mga partido sa mga kaso at ito ay isinasagawa lamang sa pamamagitan ng online video conference, maliban na lamang kung mapagdesisyunan ng korte na ang kanilang presensya ay hindi na kinakailangan.

Binanggit ni Magbanua na ang DAR-Abra ay nagbukas na ng “official electronic mail account” (email) kung saan ang mga partido ng kaso ay maaaring magsumite o magsampa ng mga petisyon, paghahayag, mga ebidensiya at iba pang dokumentong legal sa pamamagitan ng e-filing, aniya.

Nagbukas din ang DAR-Abra ng Messenger group chat account kung saan gaganapin ang pagdinig ng kaso o virtual court hearing gamit ang online video conferencing.

“Sinubukan na namin ang virtual court hearing nuong Mayo 20, 2020 at naging maayos naman ang lahat,” ani Atty. Magbanua.

Source: https://tugonbalita.com/2020/06/01/virtual-court-hearing-matagumpay-na-naisagawa-ng-dar-abra/