DAR nagkaloob ng utility vehicle sa grupo ng magsasaka sa SoCot

PARA makatulong sa paghahatid sa produkto ng magsasaka nagkaloob kamakailan ang Department of Agrarian Reform (DAR) provincial office ng South Cotabato ng utility vehicle na nagkakahalaga ng P300,000.00 sa Banga Agrarian Reform Community Cooperative (BARCCO).

Nabatid sa DAR ang utility vehicle ay gagamitin ng BARCCO, na matatagpuan sa Barangay Malaya, upang ipanghatid ng mga produktong agrikultural sa mga piling bayan ng South Cotabato at Sultan Kudarat.

Sinabi ni Chief Agrarian Reform Program Officer Lorna Garde ang sasakyan ay naipagkaloob sa ilalim Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty Program (EPAHPP), kung saan ipinatutupad ito ng ahensiya at ng iba pang government agency upang maibsan ang kagutuman at maseguro ang food at nutrition security.

“Sa ilalim ng EPAHPP, ang BARCCO ay lumagda ng isang marketing agreement sa National Nutrition Council XII noong nakaraang bilang suporta sa Tutok Kainan Dietary Supplementation Program kung saan ang kooperatiba ay magtutustos ng mga dry good, vegetables at iba pang meat products sa mga naitalagang muisipalidad,” ani Garde.

Samantala kaugnay nito layunin ng Tutok Kainan na maiwasan ang pagkabansot sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga masustansyang pagkain sa mga kulang sa nutrisyon na mga buntis at mga bata mula 6-23 buwan.

“Alagaan ninyo ang sasakyan at seguruhin na maibibigay nito ang layuning mapabuti ang inyong pinagkakakitaan,” aniya.

Kaugnay nito nagpasalamat naman si BARCCO Chairman Sandro Simora sa patuloy na pagbibigay-tulong ng DAR habang sineseguro niya ang pagpapanatili at maayos na lagay ng sasakyan. (Boy Celario)

Pinagmulan: https://www.policefilestonite.net/2022/05/16/dar-nagkaloob-ng-utility-vehicle-sa-grupo-ng-magsasaka-sa-socot