Pait at Tamis : Pagkamit sa Ginhawang Ninanais

ANGADANAN, ISABELA - Sa gitna ng isang malawak na bukirin, isang ginang ang nagtungo sa ilalim ng puno basa ng pawis at  ramdam ang pagod ay napatingala na lamang sa langit, huminga nang malalim at naisip ang hirap na pinagdaanan sa buong maghapon na pagtatrabaho sa bukid. Sa kanyang pagkaupo, mga luha ay kusang tumulo mula sa mga matang nakapikit upang panandaliang makawala sa sitwasyong kinalalagyan. “Panginoon, alam kong sa panahong iyong itinakda, iaahon mo kami sa hirap.” Mga salitang idinasal sa isipan ng isang inang namumulot ng mais sa bukirin upang may maihain sa hapag-kainanng kanyang pamilya at mairaos ang isang araw na namang hindi tiyak ang kinabukasang tatahakin. Ngunit hindi siya nagpatinag sa kahirapang dinanas, bagkus ang karanasang ito ang siyang nagpapatibay ng kanyang loob at pananampalataya sa diyos.

Lumaki sa isang pamilyang masaya at masasabing may sapat na mapagkukunan ng kabuhayan ang nag-iisang anak na babae sa pitong magkakapatid na si Hermelita Cordero o mas kilala sa tawag na Hermie,  kung kaya’t siya ay alagang-alaga ng mga magulang niya sa Malangas, Zamboanga Del Sur. Ngunit, sa hindi inaasahang pagkakataon, pumanaw ang kanilang ama habang siya nasa high school pa lamang. Dahil marami silang magkakapatid, nahirapan ang kanilang ina na palakihin sila nang nag-iisa kung kaya’t ipinasya ng ina na si Hermie ay mamuhay na kasama ang kanyang lola. Bagamat may natatanggap itong tulong mula sa ina, ang kaniyang lola ang sumuporta sa kanya.

Hindi na nakapagtapos ng pag-aaral si Hermie at nagpasyang makipagsapalaran sa Maynila. Namasukan muna bilang katulong at hindi kalaunan ay naging sales lady sa isang mall. Sa Maynila niya nakilala ang kanyang napangasawa na si Marcelo Valdez. Sila ay nagpakasal sa Zamboanga at pagkatapos ay namuhay na sa lugar kung saan nagmula si Marcelo sa Angadanan Isabela.

Dito na nagsimula ang kwento ni Hermie bilang isang magsasaka. Bagamat wala siyang alam sa bukid, pinilit niyang matuto sapagkat ito lamang ang paraan ng pamumuhay sa lugar na ito. Simple at payak man, mahirap ang naging pamumuhay nila sa barangay ng Bannawag. Ito ay malayo sa bayan at kinakailangan ang dalawang oras na paglalakad upang marating ang pinakamalapit na sakayan patunong bayan. Hindi naging madali ang buhay ni Hermie sa pagsasaka ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa na sila ay makakaraos mula sa kahirapan.

Dalawang beses sa isang taon lamang sila nakakaahon sa bayan upang magbenta ng ani at bumibili ng mga supply at pagkain. Namuhay sila sa bigas, mantika, bagoong, kape at asukal lamang. Pinagpatuloy ni Hermie ang pagsisipag hanggang sa sila ay makaipon at nakapagsimula ng sari-sari store sa kanilang lugar. Nang mapansin niya ang hilig ng mga tao sa piyesta, pinasok rin niya ang negosyo ng catering services. Habang siya ay pinamamahalaan ang pagsasaka ang kanyang kabiyak ay nagsilbing Kapitan sa barangay.

Kanyang ibinahagi sa kanilang komunidad ang natatamong pag-angat sa buhay sa pamamagitan ng pagtulong rin sa kanyang kapwa. Naging Presidente siya ng Rural Improvement Club of Bannawagsa taong 2002 at naging epektibong lider, isang patunay dito ang pagkakaloob ng halos Kalahating Milyong (P500,000.00) halaga ng livelihood projects sa kanilang organisasyon. Miyembro rin ang Angadanan Forest Region Agrarian Reform Cooperative (AFRARCO)- supportado ng DAR. Maraming organisasyong kinabibilangan si Hermie at aktibo siya sa lahat ng mga ito.   Siya ang may hawak sa mga posisyon sa ilan sa mga samahang ito.

Malaki ang naitulong na mga trainings na binabahagi sa kanilang organisasyon mula sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng DAR, DA, DTI, DOST, LGU at iba pa. Marami sa mga natutunan nila ang nagbigay daan sa maayos at maunlad niyang pamamahala sa kanilang lupa.

Ayon kay Hermie “Tinatanggap ko kung anuman ang ibigay sakin, biyaya man ito o responsibilidad. Pinanghahawakan ko ang pananampalataya ko sa Panginoon na wala siyang ibibigay sa akin na hindi ko kakayaning gampanan. Kung sa responsibilidad, lagi kong ibinibigay lahat ng aking makakaya, sa biyaya nama’y hindi ko ito ipinagdadamot. Makuha ko lamang kung ano ang sapat sa aming mag-anak ay akin ng ipinamamahagi sa iba ang anu mang mayroon pa ako. Habang natututo tayong magbigay, lalo tayong hindi mauubusan”.

 

Ang simpleng bahay na dating gawa kawayan ngayon ay sementado na. Mayroon na rin silang farm na napaganda at ngayon ay gingawang venue  kung saan dinadaos ang mga selebrasyon sa kanilang lugar. Kanya pa ring ginagampanan ang lahat ng kanyang tungkulin sa mga organisasyon habang nagsisilbing ilaw ng kanilang tahanan.

Sipag at pananampalata ang pinanghawakan ni Hermie sa buhay na hanggang ngayon ay dala-dala pa rin nya sa pagdating ng panahong sinagot na ang kanyang panalangin sa bukid.

Si Hermie ay magandang halimbawa ng isang magsasakang pinagtibay ng karanasan at panahon. Siya ay napatuloy sa buhay at tumu-tulong sa abot ng kanyang makakaya. Ayon sa kanya, “Ang pagkamit ng tagumpay ay laging may hirap na kaagapay. Kailangan ang pait ng pagsubok upang mas malasap ang tamis ng tagumpay. Habang pumapait ang karanasan, lalong tumatamis ang tagumpay na maaaring makakamtan kung hindi susuko.” MARIELLE ELAIDA G. MONTECLARO, PIO-Isabela