Ang Matamis na Mundo ni Mary Jane – at ang kanyang pagbabahagi sa mga frontliners ng Covid-19

Ipinapakita ni Mary Jane ang kanyang mga sertipiko sa paggawa ng cake na proyekto ng DAR-Tesda.

“Kahit sa simpleng paraan lamang at makabawas sa pagod nila, gumagawa ako ng cake para sa mga frontliners natin na nakikipaglalaban sa pagsugpo sa Covid-19,” ani Mary Jane Oblero, ang kaisa-isang “cake-maker” sa kanilang komunidad sa La Union.

Bakas sa mukha ni Mary Jane Oblero and galak habang ibinabahagi niya ang kanyang tulong na naibigay. Ani Jane marapat lamang na tumulong siya sa kasaluyang krisis sa pamamagitang ng kanyang cake dahil malaki ang ambag ng paggawa ng cake sa kanyang kondisyon ng pamumuhay niya ngayon.

“Matagal ko ng pangarap ang gumawa ng cake. Nananalangin at humihiling ako dati na malinang ang aking kakayahan sa paggawa ng iba’t ibang klase ng cake. Sa katunayan, may napundar na akong mga kagamitan para sa paggawa nito ngunit naghihintay lang ako ng tamang panahon upang ito’y masimulan,” aniya.

At dumating nga ang kaniyang hinihiling kung saan isa siya sa dalampung benepisyaryo na napili at matagumpay na nagtapos ng sampung araw na pagsasanay sa paggawa ng cake sa Santol, La Union noong ika-31 ng Enero ng taong kasalukuyan. Ang paggawa ng cake ay proyekto ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang makapagbigay ng dagdag mapagkakaitaan at kaalaman sa mga agrarian reform beneficiaries.

Mga Produktong nagawa ni Mary Jane.

Ang proyekto ay tinatawag na DAR-TESDA Convergence Skills Training kung saan ang DAR ang naghahanap ng mga interesadong magsanay at ang TESDA ang nagbibigay ng mga training. Lahat din ng nag-enroll sa kurso ay nabigyan ng allowance at indibidwal na tool kits na galing din sa TESDA. Ang nasabing pagsasanay ay naisakatuparan sa tulong ng Sea and Sky school na siyang nagsilbing eskwelahan at nagturo ng nasabing kurso.

Ikinuwento ni Mary Jane na noong nagsisimula pa lamang siyang mag-bake, mga kamag-anak lamang niya ang bumibili at tumatangkilik nito. Sa pamamagitan ng social media at sa rekomendasyon ng mga nakatikim ng kanyang cake, lumawak ang kanyang koneksyon at dumami ang kanyang market.

“Sa ngayon tumatanggap ako ng tatlo hanggang apat na orders kada isang linggo at kumikita ako ng halagang P150.00 o higit pa sa bawat cake depende sa laki at klase nito,” aniya. “Maaring sa iba, maliit na halaga lamang ito pero para sa akin, napakalaking tulong nito sa aking pamilya lalo’t nagdesisyon na ang aking asawa na huwag nang mangibang bansa at susuportahan na lamang niya ako sa aking negosyo at magkaantabay kaming magpapalaki ng dalawa naming anak.”

Ipinagmalaki pa niya na ang naipon niya sa pagbake ay siyang ginagamit nilang pambayad ng “utilities” gaya ng kuryente at pang-araw-araw na gastusin.

Naghahanda si Mary Jane ng mga cake na ipamamahagi niya sa mga frontliners.

Ang cake-making ay hindi lamang nakapagbigay ng tulong pangkabuhayan, nagbigay daan din ito sa malalim at magandang samahan ng mga nagtapos. Ang kanilang pagkakaibigan ay siyang naging dahilan upang bumuo sila ng grupo na tinatawag nilang Santol Bakers Association.

Sa dalawampung nagtapos ng nasabing kurso, apat lamang ang nagging aktibo sa pagbe-bake. Ang iba ay walang kakayanang bumili ng sariling gamit kung kayat napag-usapan nilang bumuo ng grupo upang sila’y makahingi ng tulong-pinansyal para makapagpundar ng mga gamit.

Isa si Mary Jane sa mga aktibong miembro ng grupo na nagpupursigi sa pag-asikaso ng mga kakailanganing papeles upang magkaroon ng legal na pagkakakilanlan ang kanilang asosasyon.

Ngunit dahil sa ibinabang Enhanced Community Quarantine (ECQ), pansamantalang naantala ang hakbang na ito.

Habang naghihintay ang bawat isa sa pagbabalik normal ng kasalukuyang sitwasyon, patuloy na gumagawa ng cake si Mary Jane at ang saya at galak ng kanyang kalooban ay nasisilayan sa matatamis at makukulay niyang cake na ibinabahagi niya sa kanyang mga customers, kapamilya, kaibigan at lalong na sa mga frontliners sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa dahil sa Covid-19.

#AgrarianReformPH #SupportServicesDelivery