Kwentong Astig ng Magsasaka: The MAALSADA Story

Maalsada-Fisco Chairman Rene Peja.

Sa panahon nang lockdown sanhi sa peligrong dulot ng Novel Coronavirus 19, marami ang naghihikahos. Kung hindi man kulang sa pagkain, eh wala na talaga.

Dito naisipang pumasok ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan o Department of Agrarian Reform (DAR). Pinakilos ng DAR ang mga organisadong magsasaka, mga agrarian reform beneficiaries' organizations (ARBOs), at hiniling sa Inter-Agency Task Force on Covid (Coronavirus disease) 19 na payagan ang magsasakan-benepisyaryo na magpadaloy ng kani-kanilang mga produktong pansakahan sa mas abot-kayang halaga. Dahil sa pahintulot ng IATF ay nagsimulang magkaloob ang DAR ng mga "quaratine accreditation passes" upang malayang madala at maitinda ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa iba't-ibang lugar partikular na ang mga nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).

Isa sa mga tumugon sa hamon ng pagbebenta ng kanilang mga produkto ay ang Maalsada-Fisco na mula pa sa Alangalang, Leyte. Isa ito sa mga matagumpay na ARBOs na naitaguyod ng DAR Leyte-Biliran.

Ang Maalsada-Fisco hango sa pinagbuklod na pangalan ng mga barangay Magsaysay, Astorga, Lingayon, at Dapdap, na lahat ay nasa bayan nang Alangalang, isa sa mga malaking bayan sa lalawigan ng Leyte na itinuturing na "bigasang bayan." Ang FISCO naman ay Farmers Irrigators Systems Cooperative.

Ang Maalsada-Fisco ay inorganisa nang National Irrigation Authority noong taong 2000 na nagsimula lamang na may 20 mga kasapi at paunang puhunan na P15,000.00.

Sa mahusay na pamamalakad at sa tulong ng DAR, umunlad ito at lumobo ang bilang ng mga kasapi sa 188. Maging ang puhunan ay lumaki na sa P700,000 nitong katapusan ng 2019.

Maalsada-Fisco rice trading operations. 

"Utang na loob namin ang lahat ng ito sa DAR na siyang tumulong at gumabay sa amin hanggang sa kung nasaan na kami ngayon," ani Reynaldo Peja, pangulo ng Maalsada-Fisco at tumatayo rin bilang kinatawan ng iba't-ibang organisasyon ng mga magsasaka.

Tinulungan ng DAR ang Malsada-Fisco noong 2014, makalipas bayuhin ng Bagyong Yolanda ang lalawigan noong Nobyembre 2013. Isang malagim na trahedya ang idinulot nito. Lahat halos ng mga pananim, mga kabuhayan at maging mga kabahayan sa halos lahat ng pamayanan sa lalawigan ay nasira. Maging ang dating mga mala-birheng Bundok ay nagmistulang disyerto sa loob lamang nang ilang oras na pagbayo ng bagyo.

Para sa mga taong nakaranas sa bagyong ito, delubyo ang idinulot nito sa kanila. Ang ulan parang asin, ang bugso ng hangin napakalakas na para bang isang nagngangalit na halimaw. Masuwerte pa ring maituturing ang mga taga-Alangalang dahil mangilan-ngilan lamang ang nasawi roon kumpara sa mga nasa kapatagan at malapit sa dalampasigan.

Isa ang DAR sa mga dagliang tumugon sa panaghoy ng mga desperadong magsasaka. Di naglaon, namutawi rin ang ngiti sa dating nangungulimling ng mga mukha ng mga magsasaka. Muling tumingkad ang pag-asang makabangon sa masalimuot na traheyang iyon.

"Ang DAR ang isa sa mga masigasig na ahensya ng pamahalaan ang sumaklolo sa aming mga magsasaka. Idinulog kami ng DAR sa Land Bank of the Philippines (LBP) upang makautang sa ilalim ng Agrarian Production Credit Program para sa pagpapalago nang pananim at kabuhayan," ani Peja.

"Ang P600,000 paunang pautang ay ipinautang namin sa aming mga kasapi. Ang kagandahang-loob ng LBP ay sinukliang naman ng buong-loob naming pagbabayad-utang," dagdag pa niya.

Maalsada-Fisco rice trading operations. 

Sa ganda ng track record sa pagbabayad-utang ng Maalsada-Fisco, anim na beses itong nakautang sa LBP sa loob ng limang taon.

"Pwede nga kaming umutang nang hanggang P6 na milyon, pero nasa P2.5 na milyon lang ang inutang namin," pagmamalaki ni Peja. Ito'y pagpapakita ng kanilang kasinupan sa pangangalaga ng kanilamg pananalapi.

Sa bayan ng Alangalang, pagtatanim nang palay ang pangunahing kabuhayan ng mga tao. Karamihan sa kanila ay mga benepisyaryo ng mga malalawak na palayan ng mga pamilyang Aldaba, Salazar, at Montejo na napasailalim sa Presidential Decree No. 27 o ang "Operation Land Transfer."

"Napakalaking tulong sa amin ng APCP dahil nabigyan kami ng pagkakataong makabangon," ani Peja.

Na sinang-ayunan naman ni Gng. Siony Caones, isang kasapi rin ng Maalsada-Fisco.,

“Nagpapasalamat ako na naging kasapi ako rito sa Maalsada-Fisco. Mas mura ang mga pautang at malaking tulong ito sa amin," aniya.

Hindi nakaligtas sa mga mapanuring mata ng DAR ang magilas nilang pagbabalik-utang kaya naman sila ay biniyayaan ng isang Volvo-Dump Truck, "ang pinaka-malaking tulong na handog ng DAR sa amin," ayon kay Peja. Nagkakahalaga ng mahigit P3.53 milyon ang nasabimg truck.

"Bago nito, nakabili kami ng isang katamtamang laki na Elf truck na ginagamit naming panghakot ng mga bigas at iba pang produkto. Ang pagdating ng dump truck ay maituturing namin na napakalaking bonus," ani Peja.

Bawat biyahe ng truck na kaloob ng DAR ay kumikita ang grupo ng mahigit P2,000. Minsan dalawang hakot ang nagagawa sa loob ng isang araw.

Bilang ganti, namimili sila ng palay sa mga kapwa magsasaka sa mas mataas na halaga, limampung sentimo hanggang piso, kumpara sa mga pribadong mamimili.

"Marapat lamang ibahagi sa kapwa naming magsasaka ang anumang biyayang natatanggap namin," ayon kay Peja. (John Colasito)

#AgrarianReformPH #SupportServicesDelivery