Rommel Berganio : Tagumpay Na Isang PDMASP Iskolar

Caption Sir Rommel...

 

Isa si Rommel Berganio sa mga volunteer School Heads/teachers na tumulong sa pagtukoy ng karagdagang benepisyaryo para sa Social Amelioration Program (SAP) sa kanilang munisipyo. Ang mga ganitong pagkakataon ay isang kasiyahan sa kanya sapagkat ito ay isa sa mga paraan ng pag-abot niya ng tulong at suporta sa kaniyang mga kababayan upang maibsan ang hirap na dinaranas dahil sa Covid virus.

“Mabuti na lang at nagprincipal na ako at nakakatulong na din”, aniya. Ang mga katagang ito ay hindi isang pagmamalaki bagkos pagpapasalamat sa mga pagpapala na natanggap at mga pagkakataong naipagkaloob sa kanya. Ang pagtulong sa kapwa ay nakagawian na niya lalo na sa mga kapatid niya sa pananampalataya subalit hindi sa pinansiyal na aspeto dahil salat din siya noon.

“Kasama ang aming mga kapatid, nagdodonate din kami para sa mga frontliners, lalong-lalo na dito sa aming barangay. Nag-aabot kami ng bigas at konting cash para may makain at maipambili sila ng kanilang pangangailangan lalo na ngayong umiiral ang quarantine.” Maliban dito ay bumibisita din siya sa mga pamilyang “walang-wala” at nag-aabot ng konting tulong sa abot ng kanyang makakaya, “dahil alam ko yung pakiramdam ng walang-wala ka.”

Para sa isang taong namulat sa hirap at pagsubok ng buhay hindi ito hadlang upang tumulong sa kapwa o tumigil magsumikap at bumitiw sa pangarap, bagkos ito ang ginawang inspirasyon, dahilan upang maging matatag at maging ehemplo sa iba.

Hindi ipinagkaila ni Rommel na galing siya sa isang broken family. Nakagisnan nila ang hirap at kasalatan sa buhay. Siya at ang tatlo niyang mga kapatid ay lumaki sa poder ng kanilang lolo’t lola na pawang mga magsasaka. Sa murang edad tumatak sa isipan niya ang nakaatang na malaking responsibilidad hindi lamang sa mga kapatid kundi sa mga nagpalaki at nag aruga sa kanila. Sa kabila ng kanilang mga dinanas nagsumikap siya upang tuparin ang mga minimithing pangarap.

Matapang, masipag at may angking talino, ganyan ilarawan si Rommel. Sa mga katangiang ito unti-unti niyang narating ang tagumpay. Nagtapos siya sa elementary bilang Salutatorian. Nairaos ang high school sa pamamagitan ng paninilbihan sa isang kamag-anak kapalit ang pagpapaaral sa kanya. Nag-enroll sa kolehiyo na walang kasiguraduhan kung saan kukuha ng pangmatrikula.

“Sadyang napakabuti ng Diyos dahil sa mga sandaling iyon binigyan niya ng kasagutan ang aking panalangin.” Si Rommel ay isa sa mga pinalad na maqualify para sa “Programang Agraryo Iskolar”.

Ang “Programang Agraryo Iskolar” ay mas kilala sa tawag na PDMASP o President Diosdado Macapagal Agrarian Scholarship Program. Layon ng nasabing programa ang magbigay ng oportunidad sa mga anak ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na nakapag enroll at makatapos ng apat na taong kurso sa agrikultura o may kinalaman sa agrikultura.

Rommel with his brother.

Si Rommel ay kumuha ng kursong Agricultural Education at matagumpay na nakapagtapos bilang Cumlaude. Pumasok siya sa Department of Education pagkatapos niyang maipasa ang Licensure Exam para sa mga guro at naging classroom teacher ng walong (8) taon. Kumuha din siya ng Master’s Degree in Educational Administration at units ng Doctoral sa isang state university.

Noong 2014, nakatanggap siya ng pagkilala bilang Most Outstanding Teacher ng Bacnotan, La Union at napabilang na finalist sa 10 Outstanding teacher ng Division. Sa kagustuhang mas malinang ang kanyang kakayahan nagpatala siya para School Administrator bilang Head Teacher II at maswerteng nanguna sa ranking sa kabila na siya ang pinakabata sa hanay nila. Matagumpay din niyang naipasa ang Principal’s test at kasalukuyan siyang Principal ng Baroro Elementary School sa edad na tatlumpu.

Ayon sa kanya, ang lupain ng kanyang mga lolo’t lola na sinasaka nila noong siya ay nag-aaral pa ay nahati-hati na sa mga anak nila. Ang kanilang parte ay tinatamnan pa rin nila ng palay. Dito sila kumukuha ng kanilang pagkain. “Sa katunayan ang iba ay itinutulong namin sa mga nangangailangan sa community namin lalo na yong mga kapwa naming Iglesia na nawawalan ng pagkain.”

“Malaki ang utang na loob ko sa scholarship ko noon. It’s time to give back,,,ako ang return of investment ng DAR”, ang masayang sambit ni Rommel.

Rommel's lolo and lola.

Sa kanyang katayuan sa buhay ngayon, tunay nga na ginagawa niya ang lahat upang masuklian ang kabutihan at pagmamahal ng mga tumayong magulang nilang magkakapatid – ang kanyang lolo at lola

. Sa katunayan bago pa man lumaganap ang Covid 19 ay nakapamasyal pa siya sa Palawan kasama ang kanyang lolo at mga kapatid.

Ayon kay Rommel sila at ang kanyang mga karanasan ang nagtulak sa kanya upang mapabuti ang sarili kung kayat “gagawin ko ang lahat upang mabigyan ko sila ng magandang buhay.”

Sa ngayon ay patuloy na nagbibigay suporta si Rommel sa mga frontliners. Aimen2020