Mandaragat na Negosyante ng Dibayabay

San Luis, Aurora. Alas tres ng hapon ng marating namin ang barangay Dibayabay, isa sa mga baybaying barangay ng bayan ng San Luis. Sang-ayon sa speedometer ng aking motor, dalamwampu't limang (25) kilometro ang nilakbay namin mula sa kabisera ng San Luis. Malapit lang kung tutuusin. Subalit sa sama ng daan, lalim ng mga lubak at tarik ng makipot at maputik na bagtasin inabot ng tatlong oras ang aming biyahe. Kulang-kulang 2 kilometro din na inaakay na namin ang aming mga motor dahil hindi na kaya nitong umusad dahil sa kalagayan ng daan.

Pagsapit namin sa barangay proper, nakipagkita kami sa kapitan ng barangay. Ang grupo namin ay binubuo ni John C. Velasco, Municipal Cluster Coordinator, Rizalino F. Milar, Development Facilitator, Rosemarie DS. Ibale, Development Facilitator at ako, Alan O. Ibale, Planning Officer at Provincial Information Officer. Lahat kami ay kawani ng Department of Agrarian Reform sa bayan ng Aurora.

Maiseguro sa libreng crop insurance, mare-organisa ang BARC, at maitala ang kasalukuyang kalagayan ng mga ARB ang aming misyon sa pagpunta sa dakong ito ng San Luis. Tatlong araw ang pananatili namin dito mula Agosto 11-13, 2021.

Ala singko, Agosto 11, 2021, makalipas namin makapagpahinga, dinumog kami ng mga ARB na mag-aaplay ng crop insurance. Inabot kami ng alas syete sa pagtatala ng mga ARB na nag-aplay sa crop insurance. 59 na ARB ang nai-aplay namin para sa libreng crop insurance.

Sa ikalawang araw, Agosto 12, 2021, ipinagpatuloy namin ang nasabing gawain. Samantala, si MCC Velasco at DF Milar naman ay nagsagawa ng pagpupulong ng mga kasapi ng Barangay Agrarian Reform Committee sa Dibayabay. Pagkalipas ng re-orientation ng BARC, binuo ang bagong mga kasapi ng BARC at naghalal din sila ng bagong BARC Chairman.

Ala una ng hapon, Agosto 12, 2021. Ako naman ay nag-interbyu ng isang matagumpay na ARB sa barangay Dibayabay. Sinamahan ako ng isang bata sa bahay ni Ernalyn Quinto.

Nagkita kami ni Quinto sa harap ng kanilang tindahan. Ang tindahan ay nahahati sa dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay tindahan ng mga consumer goods. Nagtitinda rin siya ng gulay at karne. Sa kabilang bahagi naman, makikita ang mga kagamitan sa pangingisda at spare parts ng bangkang de-motor na itinitinda rin niya.

“Ako po ay nagawaran ng niyugan ng DAR noong 2015. Kulang-kulang isang ektarya”, pambungad na salaysay ni Quinto.

Ang CLOA ni Quinto ay may bilang 01080932, na may sukat na 7,209 metro kwadrado at iginawad noong Marso 26, 2015.

“Kami po ay may tanim na 150 puno ng niyog at saging”, dagdag naman ng asawang si Narciso.

Silang mag-asawa ay magkatuwang na nangangasiwa ng kanilang niyugan, sagingan, tindahan at fishing supply store.

“Kami po ay may 5 anak. Si Nexlyn, 26 years old. Si Nerissa, 22 years old. Si Nelson, 24 years old. Si Noly, 20 years old, at ang aming bunso, si Novel 16, years old”, patuloy na kwento ni Narciso.

Si Nerissa ay magtatapos na sa kursong Bachelor of Science in Information Technology mula sa Aurora State College of Technology. Si Novel naman ay Grade 11. Sila ay nag-aaral sa Baler.

Ang 3 na iba pa nilang anak ay may sarili ng pamilya.

Tinanong ko ang mag-asawa kung nakatulong ba ang lupang iginawad ng CARP sa pamumuhay nila.

“Napakalaking tulong po ng niyugan na iginawad sa amin ng DAR”, wika ni Ernalyn.

Sa kwento ng mag-asawa, ang kita mula sa niyugan ang pinang-tutustos nila sa araw na araw na pangangailan. Ito rin ay nagagamit nila sa pagpapa-aral sa mga anak nila.

Ang pang-gastos sa edukasyon, board and lodging, at kapital para sa pagpapaikot ng kanilang negosyo ay nagmumula naman sa kinikita ng tindahan at fishing supply store nila.

Sila rin ay may sariling bangkang de-motor.

Ito ay ginagamit nila sa pagbebenta ng kopra, niyog, saging at gabi. Ang mga ito ay kanilang ibina-biyahe mula sa Dibayabay papunta sa Bayan ng Dingalan.

Umaani na ang niyugan nila ng mahigit sa 1,000 na niyog tuwing ikatlong buwan.

Mas malaki ang kanilang kinikita sa pagbibiyahe sa Dingalan kumpara sa Bayan ng Baler, ayon sa mag-asawang Quinto. Mas mababa ang freight at mas mataas ang wholesale price ng kopra, niyog at saging sa Dingalan, kumpara sa Baler.

 

Ang mag-asawang Narciso at Erlinda Quinto sa harap ng kanilang fishing gear supply at consumer store, Barangay Dibayabay, San Luis, Aurora.

Sunod na itinanong ko kung mayroon pa bang ibang pinagmumulan ng kita ang kanilang pamilya.

“Ako po ay kabilang sa tribong Dumagat. Bilang isang Dumagat, tumatanggap po ako ng P3,700 mula sa DSWD bawat buwan. Ito po ay naida-dagdag namin para pantustos sa araw-araw na pangangailangan namin”, paliwanag ni Narciso.

Ang bangkang de-motor nila ay hindi lamang ginagamit sa pag-aangkat at pagbibyahe ng mga produkto. Ito rin ay ginagamit nila sa paghahatid ng sustento sa kanilang mga anak na nag-aaral sa Baler.

Kinabukasan, Agosto 13, 2021, sinubukan namin na maglayag mula sa Dibayabay patungo sa karatig na baybayin ng barangay Dibut.

Isinakay namin ang aming mga motor sa bangkang de-motor. Pauwi na kami. Baon namin ang likas na ganda ng tanawin at payak na pamumuhay sa dakong ito na minsan ko pa lang nasilayan sa loob ng 19 taon ko bilang kawani ng Kagawaran.

Sa huling sulyap, inikot ko ang aking paningin sa kalakhan ng dalampasigan. Matikas na nakadaong ang mga bangkang de-motor ng mga mandaragat na negosyante. Tulad nina Ernalyn at Narciso, ang bangkang de-motor ay hindi lang isang uri ng transportasyon. Ito ay haligi ng kanilang hanap-buhay at kinabukasan dahil tulad nila, sila ay mga mandaragat na negosyante ng Dibayabay.