DARating ang Biyaya sa Taong May Sipag at Tiyaga

“Ako po si Fredelcare Arquero Abdon na nabiyayaan ng titulo ng lupa (CLOA) ng Department of Agrarian Reform na may sukat na tatlong ektarya sa barangay Balincaguing, San Felipe, Zambales. Ako po at aking pamilya ay lubos na nagpapasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa Department of Agrarian Reform lalong lalo na kay Secretary Brother John Castriciones at sa pamunuan ng DAR Zambales sa pangunguna ni PARPO Emmanuel Aguinaldo at sa lahat ng kawani ng DAR Zambales dahil sa kanilang walang sawang pag-alalay at pagtulong sa aming mga magsasaka. “   

Bahagi ito ng mga salitang binitawan ni Fredelcare Abdon sa ginanap na Virtual Event Pasasalamat sa Pangulo noong buwan ng Setyembre 2021.  Isa si Abdon na napili upang magbigay ng pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay Secretary John Castriciones kaugnay ng kambal na selebrasyon para sa ika-50 taong anibersaryo ng DAR at ika-33 taong anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Bata pa lamang si Abdon, o Mang Boy kung tawagin sa kanila, ay pangarap na niyang magkaroon ng sariling lupang sakahin.  Isa ito sa mga inaasam niyang makamit sa buhay.  Dahil na rin sa angking kasipagan, noong taong 1985, siya ay pinagkatiwalaan na magsaka sa pitong (7) ektaryang lupain sa kanilang lugar. Dito ay nagtanim siya ng palay at mais.  Ganoon pa man, hinahangad pa rin niya na magkaroon ng sariling bukid na sasakahin.  Makalipas ang dalawampu’t-limang (25) taon o noong 2010, natanggap niya mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) ang titulo ng lupa na nagsasabing siya na ang nagmamay-ari na ng tatlong ektaryang lupain na matatagpuan sa Barangay Balincaguing sa bayan ng San Felipe.  Labis ang kanyang kaligayahan nang mapasakamay na niya ang inaasam na titulong matagal na niyang pinapangarap. Ayon sa kanya, ibang-iba ang pakiramdam kapag nabigyan ng sariling lupa.  Sabi pa niya, dapat ay pag-igihin ito.

Simula noon ay mas pinagbuti pa niya ang pagsasaka, inalagaan niya ito hanggang sa ito’y kanyang napaunlad.  Nagtatanim siya ng palay tuwing tag-ulan at kapag tag-init naman, mais ang kanyang itinatanim.  Ayon sa kanya, mas naging pursigido pa siya simula ng magkaroon ng sariling lupa.  Sa paglipas ng panahon ay naging maganda ang kanyang kinikita lalo na sa palay na ayon sa kanya ay umaabot pa sa malayong bayan ng Bocaue sa probinsiya ng Bulacan. Minsan naman ito ay kanilang ibinebenta sa National Food Authority sa kanilang lugar. Bukod sa mga lugar pamilihan na kung saan dinadala ang mga tanim na gulay at rootcrops, mabenta rin sa online ang mga tanim na  mais na purple sweet variety. Sa mga panahong ito ay unti-unti nang nararamdaman ni Mang Boy ang matamis na bunga ng kanyang mga sakripisyo at paghihirap.  Unti-unti ay nakapagpundar siya ng sarili niyang gamit pambukid katulad ng recirculating dryer, farm tractor, combined harvester, elf truck at forward truck.  Ang mga gamit na pambukid ay lubos na nakatulong upang mapaganda, mapadali at mapaunlad niya ang mga gawain sa bukid at dahil dito ay tumaas ang kanyang naging ani ganun din ang kanyang kita.   Sa kabuuang sampung (10) ektaryang (kasama ang 3 ektaryang ibinigay ng DAR) kanyang binubukid ay umaani siya ng 1,000 kabang palay at hindi pa kasama rito ang kita niya sa pagtatanim ng mais at iba pang gulay.

Bilang isa namang kasapi ng Balincaguing Farmers Association na isa sa mga samahan na tinutulungan ng DAR sa Zambales, siya rin ay napagkalooban ng mga pagsasanay o training na mula pa rin sa DAR. Ilan sa mga ito ay ang Farm Business School, Financial Education on Agrarian Production Credit Program (APCP) at Training Workshop on Agrarian Reform Beneficiaries. Malaking bagay ito para kay Mang Boy sapagkat natuto siya sa tamang pamamalakad sa negosyo at pananalapi.  Nagkaroon din sila ng mga technology at skills trainings at pagsasanay upang patuloy at higit na mapalakas ang kanilang asosasyon.

Sa pagtutulungan ng kanilang pamilya, lumago at umunlad ang kanilang pamumuhay. Napagtapos din niya sa pag-aaral ang kanyang dalawang anak na ngayon ay isa ng rehistradong nurse at ang isa naman ay nakatapos sa kursong medisina.    Sa ngayon ay mayroon na siyang sariling tindahan ng bigas (wholesale at retail) sa pamilihang bayan ng San Felipe. Mayroon na rin siyang rice mill at harvester na mga pinagkakakitaan bukod pa riyan ang palay trading.  Katulong din niya ang kanyang pamilya sa pag-aalaga at pagpapalaki ng mga alagang baboy na malaking tulong din sa kanilang kabuhayan.  Ang mga makinarya at kagamitan na pagmamay-ari niya sa kasalukuyan ay ang mga sumusunod: tig isang unit na rice mill, recirculating dryer at forward truck, tig-dalawang unit na farm tractor at elf truck, at tatlong unit na combine harvester. Masayang ibinalita ni Mang Boy na nasa higit kumulang na isandaang libong piso kada buwan ang kanyang kinikita sa lahat ng mga gawaing  pangkabuhayang ito. 

Si Mang Boy kasama ang kaniyang asawa at ang kanilang delivery truck

Sa kasalukuyan, bukod sa pagiging isa sa mga Board of Directors ng Balincaguing Farmers Association, siya rin ang operations manager ng kanilang asosasyon. Siya ang namamahala sa lahat ng mga kagamitang pagmamay-ari ng kanilang samahan.  Tinitiyak niyang nasa magandang kalagayan at maayos ang operasyon ng lahat ng mga kagamitan at makinarya ng kanilang asosasyon. 

Naging aktibo rin si Mang Boy sa  mga gawain sa kanilang lokal na pamahalaan. Matagal na panahon na siya ang naging kinatawan sa Municipal Agriculture and Fisheries Committee sa bayan ng San Felipe.  Dahil sa kanyang angking kasipagan sa larangan ng pagbubukid, tinanghal siya noong 2016 bilang isa sa Ten Outstanding San Felipinians Agricultural Sector ng kanilang lokal na pamahalaan.  Bilang isang Farmer of the Year, napakalaking pagkilala ito sa kanyang kakayahan bilang isang responsable, masipag at isang kahanga-hangang magsasaka na maituturing sa kanilang lugar.

Tinitiyak ni Mang Boy na nasa maayos na kalagayan ang combined harvester para sa panahon ng anihan

 "Ang lahat ng aming tagumpay sa pagsasaka ay sa kadahilanang kami ay nabigyan ng pagkakataon na maging tunay na may ari ng lupang aming sinasaka.  Naging pursigido akong magsasaka mula nang nakapangalan na sa akin ang lupang aking sinasaka. Mas masipag ang magsasaka kapag kanya ang lupang sinasaka. DARating ang biyaya. God bless DAR," pagwawakas ni Mang Boy (Marie Liza Arconado, PIO Zambales).