Ang Binakol At Ang Covid-19

Face Mask made of Binakol.

Niyanig ng COVID-19 ang buong mundo.

Ang virus na ito ang kumitil ng buhay ng libo-libong tao. Ito rin ang dahilan kung bakit bumagsak at nagsara ang maraming negosyo. Maraming nawalan ng trabaho, maraming naghirap, maraming luha ang dumaloy.

Subalit ito rin ang dahilan kung bakit muling nabuhay ang bayanihan. Makikita sa mga social networking sites kung paano nagtulungan ang mga tao. Ginawa nila ang kanilang makakaya upang mag-ambag para sa proteksyon laban sa corona virus.

Isa sa mga gropong nagbigay tulong ay ang San Jose Multipurpose Cooperative ng bayan ng Sarrat. Ang San Jose MPC ay isa sa mga Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) na nasa pangangalaga ng Department of Agrarian Reform – Ilocos Norte.

Ang pangunahing produkto ng San Jose MPC ay ang binakol.

Ang binakol ay isang traditional woven cloth na matatagpuan lamang sa lalawigan ng Ilocos Norte. Ito ay may black and white geometric design at magandang gawing damit, dekorasyon, bag at iba pa.

Ayun kay Ermelyn Tariga, manager ng San Jose MPC, noong kasagsagan ng paglaganap ng corona virus, nag-isip sila ng paraan upang makatulong sa kanilang mga kababayan.

“Dahil mayroong shortage ng face mask, gumawa kami ng maraming face mask mula sa mga hinabi naming binakol upang maipamigay sa mga tao, lalo na ang mga frontliners,” ani Tariga.

Makapal at matibay ang binakol face mask. Maari itong labhan at gamitin ng maraming beses. Kaya naging malaking tulong ito para sa proteksyon ng mga tao laban sa sakit.

“Noong makita ng mga tao ang aming ipinamimigay na binakol face mask, marami ang nagpagawa,” kwento ni Tariga.

Dahil gusto nilang lalo pang makatulong, tinugunan ng San Jose MPC ang mga order. Sa murang halaga (P50 per piece), dumami pa ang nagkaroon ng binakol face mask.

Binakol with the intricate design. 

Ipinaliwanag ni Tariga, na bukod sa pulso ng bayanihan, ang kanilang pagtulong ay bilang pasasalamat sa pagtangkilik ng mga tao sa kanilang mga produktong binakol.

“Lumaki ang aming kooperatiba dahil sa tulong ng DAR Ilocos Norte at suporta ng mga tao,” dagdag n’ya.

Taong 2009, ang San Jose MPC ay isang maliit ng kooperatiba lamang na mayroong consumer store at micro-financing business.

Sa taong ding ‘yon, napagdesisyunan nila na subukan ang binakol craft making business, upang madagdagan ang kanilang kita.

Nag-umpisa sila sa capital na P3,000, tatlong manghahabi at tatlong lumang hand looms. At dahil wala pa silang production building, naghahabi sila sa lilim ng isang punong mangga sa Barangay San Jose sa Sarrat.

Bagamat sa ilalim ng punongkahoy lamang sila gumagawa ng binakol, naging maganda ang kalidad ng kanilang mga produkto. Dahilan kung bakit sila dinayo ng maraming mamimili, maging ang mga turista.

Kabilang sa kanilang mga unang produktong binakol ay mga table runners, placemats, house décor at souvenir items.

Ngunit agad nadagdagan ang mga ito bunsod na rin ng demands ng mga local at foreign tourist na pumaspasyal sa kanila halos linggo-linggo.

Ang papolaridad ng binakol ang naging dahilan din kung bakit inilunsad ng pamahalaang lokal ng Sarrat ang Binakol Festival noong 2012.

At bukod sa DAR, tumulong na rin ang Department of Trade and Industry at Technical Education Skills Development Authority sa pagbibigay ng financial support at training sa  mga manghahabi ng San Jose MPC.

Noong 2015, naipatayo ang Binakol Craft Production Building sa pamamagitan ng Village Level Processing Center Enhancement Project (VLPCEP) ng DAR Ilocos Norte.

Kung kaya’t lalo pang dumami ang nagagawa nilang binakol products. Gumagawa na rin sila ng iba’t ibang klase ng damit, sapatos, sombrero, bags, backpacks, purses, cellphone cases, at syempre, face masks.

Bukod sa production, tinutulungan din sila ng DAR Ilocos Norte sa aspetong promotion at marketing.

the store is alwys full of customers to buy Binakol products.

Ayun kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Vic M. Ines, tumutulong ang DAR sa pagpromote sa mga binakol products sa mga malls at department stores sa boung bansa.

“Tinuturuan namin silang gumawa ng iba’t ibang marketing strategies,” ani Ines.

Dahil sa kanilang pagpupursige, suporta ng mga tao at tulong ng iba’t ibang sangay ng gobyerno, lumaki ang kita ng San Jose MPC sa pamamagitan ng kanilang binakol craft making business.

Mula sa kakarampot na tatlong libong piso noong 2009, ang kanilang total asset sa kasalukuyan ay mahigit P1.3 million. Mula sa tatatlong lumang hand loom, mayroon na silang siyam na hand loom at sampung electric sewing machine. At mula sa tatatlong manghahabi, mayroon na silang 22 weavers.

“Sobrang pasasalamat namin sa Diyos dahil binigyan niya kami ng mga tao’t tanggapan na tumutulong sa amin. Kaya’t sa abot ng aming makakaya, tutulong kami sa aming kapwa tao ngayong panahon ng Covid-19 at sa mga darating pang sakuna,” binigyang din ni Tariga.