Tulay ng Andabuen tuluyan ng nagbukas kaakibat ang pagbibigay ng mga titulo ng lupa at mga gamit at makinarya sa pagsasaka

BENITO SOLIVEN, ISABELA– Setyembre 17, 2020, Ang Kagawaran ng Repormang Pansakahan, (DAR) sa pamumuno ni Kalihim John R. Castriciones, ay pinasinayaan ang pagbubukas ng tulay sa Brgy. Andabuen na nagkakahalaga ng mahigit kumulang 50 million pesos, nagsalin ng 5,729 ektarya sa 3,715 benipisyaryo ng repormang agraryo (ARBs) at namahagi ng mga tractor, iba pang makinarya at mga agricultural inputs na nagkakahalaga ng 3.57 million pesos.

 
Pagbubukas ng Tulay ng Andabuen

“Ito ang tulay na hindi namin makakalimutan. Lalo namin itong pagagandahin”. Ito ang mga salitang nasambit ni Mayor Robert Lungan ng nasabing bayan sa kanyang acceptance speech.

Benito Soliven Mayor Robert  Lungan

Ang Andabuen Bridge ay proyekto sa ilalim ng Tulay ng Pangulo para sa repormang pang-agraryo. Ito ay may haba na 28.8 linear meter at nagkakahalaga ito ng 50 milyong pesos. Ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agrarian Reform (DAR), Provincial Government ng Isabela at Local Government Unit ng Benito Soliven ang mga nagtulungan upang matapos ang proyekto sa loob lamang ng anim (6) na buwan mula ng ito ay umpisahan noong Pebrero ngayong taon.

Ang Bayan ng Benito Soliven ay mayroong 25 barangay. Itong tulay na ito ay magdudugtong sa mga liblib na mga barangay tulad ng Ara, Capuseran, Guilingan, Balliao at Nacalma. Mahigit kumulang 2,000 ARBs ang makikinabang at mabilis na maiahon ang mga ani mula kanilang lugar patungo sa kanilang bayan at karatig bayan nito.

 

Pamamahagi ng mga Tractor at iba pang makinarya
Chairperson Robert Malanta at ibang membro ng Oshwind Multi-Purpose Cooperative 

Ang Oshwind Multi-Purpose Cooperative, Sagana Backyard Cattle Raiser Agriculture (SABACARA) Cooperative at Morado Auto Savings Group ay tumanggap ng 45HP 4 Wheel Drive Tractor bawat isa. Ito ay buong-pusong tinggap ng mga pinuno ng mga ARBOs na sina G. Robert M. Malanta, G. Ricardo S. Agrave at Gng. Vivian R. Tungalan ayon sa pagkakabanggit.

Samantala, ang San Isidro North Agrarian Reform Cooperative at SANMANVILFER Irrigators Association ay tumanggap naman ng Self-Priming Water Pump bawat isa. Ikinagalak ding tinanggap nila G. Bernardo G. Lugares at G. Leon S. Agcanas Jr. ang mga bomba mula sa DAR. May 3.5 million pesos ang kabuuang halaga ng tractor at mga makinarya at mahigit 600 ARBs ang makikinabang dito.

 

Pamamahagi ng lupa sa 3,715 ARBs

Ang isa pang nagbigay buhay sa okasyon ay ang pamamahagi ng 4,687 titulo (Certificates of Land Ownership Award o Emancipation Patents) na nagmula sa Land Bank of the Philippines na inilipat sa DAR. Ito ay sumasakop sa 5,729.2758 ektarya na naipamahagi sa 3,715 ARBs.

 

Anim (6) rito ay nabigyan ng titulo sa pamamagitan ng Serbisyong DAR to DOOR na pinangunahan ng Kalihim ng DAR. Si G. George Agaloos na nagmula pa sa Brgy. Villaluz, G. Joseph Cabbab na mula sa Bgry. Danippa at sina Gng. Daina Valdez, G. Ferdie Delos Santos at mag-amang Daniel Alupay Sr. at Daniel Alupay Jr.

 

Sa mensahe ni Secretary John R. Castriciones, una nitong pinasalamatan at pinuri ang mga magsasaka. Ayon sa kanya “Kung wala ang mga magsasaka, wala tayong pagkain sa hapag-kainan. Pag nagkataon, maraming Pilipino ang magugutom. Kayo ang mga tunay na bayani.”

Sinabi ni Castriciones na ang agrikultura ang may pinakamahinang kawing o weakest link, kaya kailangan itong palakasin.

“Ngayon sa panahon ng pandemya, pati ang First World countries ay naghihirap at ang ekonomiya ay bagsak. Maraming kompanya ang nagsara at mahigit 175,000 ang nawalan ng trabaho. Dahil sa whole of government approach, ang iba’t ibang ahensya sa bansa ay nagkakaisa upang mag abot ng tulong para sa mga magsasaka,” ani Castriciones.

DAR Sec. John R. Castriciones

Ayon kay Atty. David Erro, Undersecretary ng FOO, huwag isanla at ibenta ang lupa. Pag nadiskubre ito ng DAR, maaring bawiin at ibigay sa bagong kwalipikadong ARB.

Samantala, si Atty. Emily Padilla, Undersecretary ng SSO, pinahahalalanan na ang mga tumanggap ng titulo ay kailangan maging miyembro ng ARBO. Nang sa ganon, ang mga tulong mula sa DAR at ibang CARP Implementing Team ay maipaabot kaagad sa mga ito.

Ayon kay Cagayan Valley Regional Director Samuel S. Solomero “Protektahan at pagyamanin ang lupang bigay ng gobyerno. Ito ay pagyamanin para magsalin-salin pa sa mga anak at mga apo,” aniya.

Samantala, si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ay dumalo din sa okasyon dahil sa utos ni Presidente Rodrigo R. Duterte upang hanapin lahat ng Oversees Filipino Workers (OFWs) na umuwi sa bansa dahil sila ay nawalan ng trabaho dahil sa day andemya. Tatlo (3) ang mapalad na OFW mula sa Bayan ng Benito Soliven ang nabigyan ng seed capital na nagkakahalaga ng tatlumpung-libong piso bawat isa(P30,000.00).

Naroon din sa okasyon sina Congressman Ed Christopher S. Go, Congresswoman Alyssa Sheena P. Tan, Congressman Allan Ty, Vice Mayor John Paul Azur, USEC-Special Concerns Office Carim Panumpang, ASEC. Milabel Cristobal, Public Assistance and Media Relations Service Director Cleon Lester Chavez, PARPO II Eunomio Jr. P. Israel, PARPO I Lucille Busog, MARPO Serafin Bartolome, PARPO II Dindi Tan, PARPO I Cherry Magno, PARPO II Jess Beth Quidasol, PARPO I Venilyn Mabunga, , PNP RO2 RD PBGen. Crisaldo O. Nieves, Philippine Army Col. Canguilan, Brgy Captain Santor C. Sandoval at iba pa.

(Mga litrato kuha ni PIO Marielle Monteclaro)