Kalsada at post harvest facilities, ipinamahagi ng DAR sa mga magsasaka ng Sultan Kudarat
Isulan, December 15 - Higit-kumulang P4.3-milyong pisong halaga ng kalsada at mga post harvest facilities ang ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform sa mga magsasaka ng President Quirino at Lutayan sa probinsiya ng Sultan Kudarat, sa ilalim ng Italian Agrarian Reform Community Development Support Program ng ahensya na may layuning matulungan ang mga naghihirap na magsasakang makaahon sa hirap ng buhay.
Ayon sa pinuno ng DAR Sultan Kudarat na si PARPO II Rodolfo T. Alburo, ang mga proyektong ipinamahagi sa mga magsasaka ng mga nasabing munisipyo ay kinabibilangan ng multi-purpose building, solar driers, warehouse at 0.5 kilometrong konkretong kalsada.
Dagdag pa ni PARPO Alburo na ang mga nasabing pasilidad ay iginawad sa piling agrarian reform beneficiaries' organization tulad ng Sitio Lagon Farmers' Multi-Purpose Cooperative, Tinaungan Christian-Muslim Farmers' Association, at Sinakulay Farmers' Association ng President Quirino, at sa mga mamamayan ng Lutayan para naman sa 0.5 kilometrong farm-to-market road galing Brgy. Tamnag hanggang Brgy. Blingkong sa Lutayan, Sultan Kudarat.
Pinasinayaan ang mga proyektong ito ng DAR sa isang turnover at ribbon-cutting ceremony kasama ang mga opisyales ng DAR Regional Office XII sa katauhan ni assistant regional director H. Roldan A. Ali, kasama si PARPO Alburo ng DAR Provincial Office, gayun din ang mga opisyales ng LGU President Quirino at LGU Lutayan, at mga kinatawan ng mga nabanggit na farmer-groups.
Sa mensaheng ibinigay ni ARD H. Roldan A. Ali, hinimok niya ang mga benepisyaryo na alagaan ang mga nasabing proyekto dahil ito ay higit na makatutulong sa mga magsasaka upang dumami pa ang produksyon ng kani-kanilang mga pananim, at makapagbibigay ng mas mataas na kita.
"Sinisigurado ng DAR, sa pangunguna ni Secretary John R. Castriciones at ni foreign assisted project undersecretary Bernie F. Cruz, na ang mga proyektong ito ay makapagbibigay ginhawa sa ating mga agrarian reform beneficiaries lalo na ngayong panahon ng pandemya" dagdag pa ni Ali.
Nagpahayag naman ng kanilang pasasalamat at pagsuporta ang local government unit ng President Quirino sa katauhan ni acting mayor Ma. Katrina Buena F. Sandigan, na lubos na nagpapasalamat sa mga pasilidad na iginawad ng DAR-IARCDSP sa mga magsasaka ng kanilang munisipalidad.
"Umaapaw po ang aming kasiyahan para sa mga magsasakang nabiyayaan ng mga proyektong ito at patuloy po ang aming suporta para sa DAR, Italian Project at iba pang mga programa ng ahensya," banggit pa ni Sandigan.
"Maraming salamat po sa DAR dahil binigyan kami ng malaking oportunidad na mapalago ang aming kabuhayan at mabigyan ng mas maliwanag na hinaharap ang aming mga pamilya," sabi naman ni naman Dominador Abalos, presidente ng Sinakulay Farmers' Association.
Ang IARCDSP o Italian Project ay nabuo sa pagtutulungan ng gobyerno ng Pilipinas at ng Italya sa pamamagitan ng Italian Agency for Development Cooperation, na naglalayong matulungan at maiangat ang kabuhayan ng mga magsasakang benepisyaryo ng programang agraryo ng ahensya.
Article by DARPO SK PIO Kathleen S. Pagayon
Photos courtesy of Engr. Aiza M. Dima