215 na ARB at magsasaka, katuwang ng DAR sa pagpapatupad ng CARP
BARC ORGANIZING SA BANI. Masinsinan na nakikinig at isinusulat ng isang lalaki ang kaniyang mga natutunan sa isinagawang Barangay Agrarian Reform Committee (BARC) orientation and organizing na isingawa ng DAR Pangasinan.
BANI, Pangasinan — 215 na magsasaka mula Bani, Pangasinan ang direktang makikilahok sa pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa kani-kanilang mga barangay. Ito ay sa pamamagitan ng pagbuo ng barangay agrarian reform committee (BARC) sa isinagawang orientation ng Department of Agrarian Reform (DAR) kamakailan.
GRASSROOTS IMPLEMENTERS. Matapos ang Barangay Agrarian Reform Committee (BARC) organizing na pinangunahan mismo ni DAR Secretary Bro. John R. Castriciones, inaasahan na magiging katuwang ng kagawaran ang nasa 215 na magsasaka sa pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Mga residente ng barangay Arwas, Ballag, Banog Norte, Banog Sur, Dacap Norte, Dacap Sur, Centro Toma, Colayo, Macabit, Ranao, Ranom Iloco, Tugui Norte, Tiep, San Miguel, San Vicente, San Simon at Poblacion ang inaasahan na mangunguna sa kani-kanilang mga BARC.
Ilan sa kanilang mga tungkulin ang pagtulong sa land transfer program ng kagawaran, ang pagbigay ng support services sa kani-kanilang mga nasasakupan, at ang pagresolba sa mga maliliit na alitang pansakahan bago ito ipaabot sa provincial office.
Pinangunahan ni DAR Secretary Bro. John R. Castriciones ang isinagawang orientation at organizing sa Public Gymnasium ng Bani. "Ang kailangan natin sa panahon ng pandemya ay mga magsasaka. And that’s the reason why we are now actively organizing the Barangay Agrarian Reform Council," Paliwanag ng kalihim. "The [BARCs] are the instruments, and are the conduits within which we will be able to know the feelings and sentiments of our farmers."
Mula nang inilabas ng kagawaran ang Memorandum Number 17 noong Enero 5, 2021 na minamandato ang "reactivation of Barangay Agrarian Reform Committees", nasa 41 na ang nabuong BARC sa Probinsya, kasama na ang Bani. (zarena ann amado with reports from Miranda Dexter)