Mga magsasaka sa Bani, nakikinabang sa Solar-Powered Irrigation System ng DAR
SOLAR POWERED. Dahil init ng araw ang nagpapatakbo sa Solar-Powered Irrigation System (SPIS) na itinayo ng DAR sa Brgy. Dacap Norte, Bani, malaki na ang natitipid ng mga magsasaka dito. Makikita sa litrato ang mga naglalakihang solar panel na ginagawang enerhiya ang sunlight na sagana sa lugar na ito.
BANI, Pangasinan — Malaki na ang natitipid ngayon ng mga magsasaka at agrarian reform beneficiary (ARB) ng Dacap Norte dahil sa solar-powered irrigation system (SPIS) sa kanilang barangay. Simula nang maipatayo ng Department of Agrarian Reform ang istrukturang nagkakahalagang P1 milyon, hindi na gumagastos para sa krudo ang nasa 30 na magsasaka na dito naghahanapbuhay.
Landlocked at pataas ang topograpiya ng barangay Dacap Norte, kung kaya't madalas na umaabot sa P4,000.00 kada buwan ang nagagastos ng bawat magsasaka para lamang sa pagpapatubig sa kani-kanilang mga lupang sinasaka. Ngayon, dahil init ng araw lamang ang nagpapatakbo sa irrigation system, dumaragdag na sa kanilang kita ang pera na hindi na ginagastos pa.
PARA SA MGA MAGSASAKA. Pinangunahan ni DAR Secretary Bro. John R. Castriciones ang turnover ceremony ng SPIS sa mga magsasaka ng Rang-Ay Upland Integrated Farmers Association, Inc.
Pinangunahan ng mismong si DAR Secretary Bro. John R. Castriciones ang opisyal na pag-turnover ng SPIS sa mga miyembro ng Rang-Ay Upland Integrated Farmers Association, Inc. (RUIFAI) nitong buwan. Ang ARB organization ang pinakaunang recipient ng naturang proyekto sa Western Pangasinan.
Hinikayat ng kalihim ang mga magsasaka na lalong pagbutihin ang kanilang trabaho sa bukid. Siniguro nito na katuwang nila ang kagawaran sa ngalan ng repormang pansakahan.Kabilang sa mga tanim ng mga magsasaka ng Dacap Norte ang palay, at ang mga itinuturing na high value crop na sitaw, talong, ampalaya, at kamatis.
Ang SPIS ay proyekto ng DAR Pangasinan sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS). Layon nito na bigyan ng siguradong kita ang mga magsasaka sa gitna ng mga kinahaharap na epekto ng climate change sa ating kapaligiran.
Susunod na magkakaroon ng SPIS sa Brgy. Barlo sa Mabini. (zarena ann amado) ###