Mga ARBO, nakabenta ng P76k sa isang araw sa tulong ng collective marketing ng DAR Pangasinan

STA. BARBARA, Pangasinan — Puspusang pinaghahandaan ng mga magsasaka at agrarian reform beneficiary (ARB) ang nalalapit na buwan ng nutrisyon. Isa kasi sa kanilang mga buyer ay manufacturer ng mga masusustansyang food product, na sangkap ang iba-ibang klase ng gulay. Sa mga lokal na magsasaka at ARB kinukuha ng naturang kumpanya ang mga ito upang makapag-prodyus ng mga food product na isinu-supply sa iba-ibang bahagi ng bansa upang malabanan ang kagutuman at malnutrisyon. 

Kilo-kilong monggo na nagkakahalaga ng P76,200.00 ang ibinagsak ng mga agrarian reform beneficiary (ARB) sa planta ng Nutridense Food Manufacturing Corporation (NFMC).  Ang kumpanysa ang isa sa mga malalaking buyer na inilapit ng DAR Pangasinan sa mga magsasaka sa pamamagitan ng collective marketing.

Nitong linggo ay ibinagsak ng mga ARB mula Sta. Barbara at Bani ang 1,270 na kilo ng monggo sa planta ng Nutridense Food Manufacturing Corporation (NFMC) sa Brgy. Malanay, Sta. Barbara, Pangasinan. Dahil P60.00 kada kilo ang kuha ng NFMC sa monggo, agad na nakabenta ang mga ARB ng P76,200.00 sa transaksyon.

Sa isang taon, abot 200 na tonelada (metric tonnes) o 200,000 na kilo ng monggo ang kinakailangan ng NFMC para sa paggawa ng mga food product. Isa kasi ito sa mga katuwang ng Food and Nutrition Research Institute – Department of Science and Technology (FNRI – DOST) sa pagbubuo ng mga "research-based" na produkto.

Noong nakaraang taon, ang NFMC ang unang naglabas ng "Enhanced Nutribun", isang reformulated na nutribun na sangkap ang kalabasa. Ang planta ang naging pinakamalaking buyer ng kalabasa na tanim ng mga ARB sa Umingan.

Nasa 20 na ARB mula sa apat na ARB organizations (ARBOs) ang kasalukuyan na nagsu-supply ng gulay sa NFMC ngayong taon: ang Umingan Farmers Agrarian Reform Cooperative ng Umingan, Banerle Agrarian Reform Cooperative ng Sta. Barbara, ang Northern Bayambang Multipurpose Cooperative ng Bayambang, at ang Rang-Ay Upland Integrated Farmers Association ng Bani. Ang mga nabanggit na ARBO ay kasalakuyan din na site ng proyekto na Linking Smallholder Farmers to Market and Microfinance (LinkSFarMM) ng DAR, na layong pagbuklod-buklorin ang mga magsasaka at pataasin ang kanilang kita sa pamamagitan ng collective marketing. (za)