Inisyal na paghahanda sa 'Buhay sa Gulay', patapos na

Ilang araw matapos na lumabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Fabian, sinamantala ng Department of Agrarian Reform (DAR) Pangasinan ang magandang panahon para sa paghahanda sa mga site ng Buhay sa Gulay.

Nitong Miyerkules, tinanggap ni Gualsic Agriculture Cooperative Chairman Nestor Calumayan ang mga binhi at farm tools na bigay ng DAR at Department of Agriculture Regional Field Office I (DA-RFOI) upang simulan ang pagtatanim ng mga gulay sa isang lupa sa Gualsic, Alcala na magsisilbing urban garden sa lugar.

Kabilang sa mga itinanim ang pechay, mustasa, upland kangkong, sitaw, okra, at squash. Ginamit ng grupo ang vermicast, seedling trays, pala, trowel, sprinkler, at rake na donasyon ng DA-RFOI sa pangangalaga sa site.

Ganito rin ang tulong na ipinaabot ng DAR at DA-RFOI sa dalawa pang magkahiwalay na site ng Buhay sa Gulay sa Pangasinan. Nag-commit ang Artacho Farmers Association upang pangunahan ang pangagasiwa sa Bautista site, at ang Catablan ARC Credit Cooperative naman para sa Urdaneta City site.

Nitong buwan, sunod-sunod ang isinagawa na orientation ng DAR sa mga agrarian reform beneficiary organization (ARBO) upang masiguro ang matagumpay na implementasyon ng proyekto. Nagkaroon na rin ng pagpupulong kasama ang mga napiling benepisyaryo para dito.

Sa tulong ng Urdaneta City Social Welfare and Development Office (CSWDO), nailapit ang DAR Pangasinan sa mga miyembro ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) ng Brgy. Dilan Paurido na tutulong sa pangangalaga sa site ng Buhay sa Gulay sa Urdaneta. Sa isang meet-and-greet session ay personal naman na nakausap ng mga volunteer si Clemente Arbdoleda Sr., ang private sponsor na ipinahiram ang kaniyang lupa sa Nancayasan para sa programa.

Kasabay nito ay inunti-unti na ng Catablan ARC Credit Cooperative ang land preparation nito. Katuwang nila ang Urdaneta City Agriculture Office na nagpaabot ng technical assistance. Nagbigay rin ng binhi ang Samson Agricultural Supply para dito.

Ayon kay Focal Person ARPO I Ben Rios, kapit-bisig ang mga ARBO at volunteer sa inisyal na paghahanda sa mga site upang makaani sila ng gulay bago matapos ang taon. Sa Tondo, Manila ang pilot location ng Buhay sa Gulay. Sa harvest festival nito ay nakabenta ang mga benepisyaryo ng gulay na nagkakahalagang P19,000.00 sa loob lamang ng dalawang oras. Inaasahan na magiging matagumpay rin ang tatlong site ng programa dito sa probinsya. (zarena ann amado) ###