P40 Milyon tulay pinasinayaan sa San Pablo, Isabela

CAUAYAN CITY, Isabela - Kasing-init ng panahon ang naging pagtanggap ng mga magsasaka  o ARBs at mga residente ng bayan ng San Pablo sa isang proyekto mula sa Department of Agrarian Reform  (DAR) katuwang ang Provincial Government ng Isabela at Local Government Unit ng bayan ng San Pablo ang “Construction of Annanuman Bridge and Approaches”. Ang naturang tulay ay may habang 30 lineal meters at pagdudugtungin nito ang mga Barangay ng Annanuman at Dalena. Ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng P40 Milyon sa mula Sustainable and Resilient ARCs (SuRe ARCs) Program ng DAR.

 

Idinaos ang isang Groundbreaking Ceremony noong Mayo 17, 2023 sa bahagi ng tulay na itatayo sa brgy. Annanuman. Ito ay dinaluhan ng mga panauhin mula sa DAR Central Office na sila Undersecretary Kazel C. Celeste at Assistant Secretary Marjorie P. Ayson; gayundin nagbahagi ng suporta at presensya si Governor Rodolfo "Rodito" Albano III, San Pablo Mayor Antonio N. Miro, Jr., San Pablo Vice Mayor Antonio Jose Miro III, at Aurora Mayor Joseph Christian G. Uy. Ang programang ito ay pinangunahan ng DAR Region 02 Regional Director Primo C. Lara at Isabela Provincial Agrarian Reform Program Officer II Jess Beth G. Quidasol.

 
 

Sinimulan ang programa ng isang panalangin ng pagpapala mula kay Rev. Fr. Joefrey B. Escorpezo na sinundan ng pagbaon ng time capsule sa isang bahagi ng tulay.

 

Humingi ng kooperasyon si Mayor Antonio Miro mula sa kanyang mga kababayan upang patuloy na mapaganda mapaunlad ang turismo at ekonomiya sa bahaging iyon ng bayan ng San Pablo.

 

"In God's time, dumating na ang biyayang tulay na matagal na nating ipinagdarasal" ito ay bahagi ng mensaheng ibinigay ni Governor Albano. Gayunpaman, inaasahan ni Governor Albano na sa loob ng anim na buwan ay matatapos na ang pagtatayo ng tulay.

 

"We should bring the government to the people" ito ang layunin di umano ng liderato ni Secretary Conrado Estrella III na siyang ibinahagi ni Usec Celeste nang magsalita siya sa naturang programa. "Huwag kayong magalala, hindi ito ang huli nating pagkikita." dagdag pa niya.

Abot langit ang pasasalamat ng mga taga Eastern San Pablo sa biyayang ito na kanilang matatanggap. Sagot ito sa kanilang kahilingan na mapaayos ang naturang tulay upang mas ligtas silang makarating sa bayan lalo na ang kanilang mga produkto.

 

Batid sa mukha ng mga residente ang ligaya at pananabik dahil sa pagdating ng Tulay ng Annanuman. Ang tulay na ito ay magbibigay ng inspirasyon at paalala na ang gobyerno ay kumikilos dahil sa tao, para sa tao.