174.2 EKTARYANG PSAU PROPERTY IPINAMAHAGI SA 281 MAGSASAKA

ITINUTURING na kasing halaga ng buhay ang titulo ng lupa.

Ito ang sambit ng isang 82-anyos na magsasaka na isang agrarian reform beneficiary mula sa San Vicente, Pampanga na si Rosario P. Dacquil habang hinihintay nitong tanggapin ang kanyang cerficate of landownership award mula kay Agrarian Reform Secretary Brother John R. Castriciones.

“Kasing halaga ng buhay ko ang titulo ng lupa na tatanggapin ko ngayon! ‘Yan lang ang pangarap ng isang mahirap, ang magkaroon ng titulo ng lupa!” saad ni Dacquil.

Si Nanay Rosario naman ay isa sa may kabuuang 281 ARBs na tumanggap ng kanilang CLOAs sa isang simpleng seremonya na pinangunahan ni Secretary Brother John na ginanap sa San Vicente, Magalang, Pampanga, na binubuo ng 174.2361 ektaryang lupa na bahagi ng hindi na ginagamit na government-owned lands (GOLs) na pag-aari ng Pampanga State Agricultural University (PSAU).

Nagpasalamat ang kalihim dahil sa pinirmahan ni President Rodrigo Duterte na Executive Order (EO) No. 75, Serye ng 2019, noong Pebrero 1, 2019, kung saan mas napabilis ng DAR ang pagpoproseso ng mga idle at abandoned na mga lupain ng pamahalaan na maaa­ring isailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

“Kapag kayo ay benepisyaryo ng E.O 75, libre ito, at walang bayad ni isang sentimo, ang kailangan lamang ninyong gawin ay panga­lagaan at pagyamanin ang lupa. Pakiusap lamang na huwag ninyong ibebenta o isasangla ang lupa,” saad ni Castriciones.

Ang nasabing lupain ay ipinamahagi sa mga natukoy na 207 magsasakang-benepisyaryo at sa 74 kwalipikadong nagtapos ng agrikultura, o may 281 na mga benepisyaryo.

Nagpahayag si Brother John ang kanyang tiwala na makatutulong ng malaki ang mga nagtapos sa agrikultura upang mapaunlad ang mga naipagkaloob sa kanilang mga lupa dahil magagamit nila ang mga teyorya, kasanayan at modernong teknolohiya ng pagsasaka na kanilang natutunan sa kanilang pag-aaral.

Dagdag pa ni Castriciones na ang kanilang kaalaman ay maaari pa nilang maipasa sa mas maraming magsasaka kung saan mas pakikinabangan ng bansa upang lumago ang ekonomiya at magkaroon ng seguridad sa pagkain.

Bukod sa libreng lupa, ang mga benepisyaryo ay maaari ring mapagkalooban ng suportang serbisyo mula sa DAR at iba pang ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang pagbibigay ng mga pautang, pagsasanay, makinarya at mga kagamitang pangsaka.

Ayon kay DAR-Central Luzon Regional Director Atty. Maria Celestina M. Tam, ang lupain ng PSAU ay nasa ilalim ng TCT No. 045-2016003517 at 045-2015007300 at may kabuuang 508.8534 ektarya. Ang lupain ay sakop ng E.O. No. 75, kung saan ang 174.2361 ang unang nasukat at naipamahagi ang mga CLOA sa mga benepisyaryo, samantalang ang natitira pa ay kasalukuyang isinasagawa ang revalidation.

Ang 174.2361 na lupain na dating parte ng PSAU educational institution ay natukoy ng pamahalaan bilang lupang agrikultural kung saan ito ay hindi na direkta at eksklusibong ginaga­mit para sa dati nitong layunin. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Pinagmulan: http://pilipinomirror.com/174-2-ektaryang-psau-property-ipinamahagi-sa-281-magsasaka/