Binakol sa gitna ng krisis sa Covid-19

 Nag-uumapaw ang sistema ng “Bayanihan” sa San Jose MPC.

Nayanig ang buong mundo ng Coronavirus Disease-2019 (Covid-19).

Libu-libong buhay ang kinitil nito bukod sa pagpapabagsak sa mga maliliit na negosyo kung saan marami ang nawalan ng trabaho, marami ang naghirap, at maraming luha ang dumaloy. Subalit ito rin ang dahilan kung bakit muling nabuhay ang bayanihan sa ating bansa.

Makikita sa mga social networking sites kung paano nagtutulungan ang mga tao. Sa abot ng kanilang makakaya, gumawa ang iba’t-ibang samahan ng paraan upang magbigay ng tulong at harapin ng mga tao ang krisis. Isa sa mga grupong ito ay ang San Jose Multipurpose Cooperative (MPC) mula sa Sarrat, Ilocos Norte.

Gamit ang pangunahing produkto na “Binakol,” isang tradisyunal na habi ng tela, na matatagpuan lamang sa lalawigan ng Ilocos Norte, humabi ang mga miyembro ng San Jose MPC ng mga face mask upang magamit ng mga tao, lalo na ng mga frontliners, dahil na rin sa naging agarang kakulangan ng supply nito.

Ayon kay Ermelyn Tariga, Manager ng San Jose MPC, ito ang naisip nilang paraan upang makatulong sa kanilang mga kababayan upang maiwasan ang paglaganap ng Covid-19 virus.

“Ang binakol ay may itim at puting geometric design at magandang gawing damit, dekorasyon, bag at iba pa. Bukod sa makapal at matibay ang binakol face mask, maari itong labhan at gamitin ng maraming beses kaya malaking tulong ito para sa proteksyon ng mga tao laban sa sakit,” ani Ermelyn.

Dagdag pa ni Ermelyn na noong makita ng mga tao ang kanilang ipinamimigay na binakol face mask, marami ang agad na nagpagawa sa kanila.

Face mask na gawa sa Binakol.

“Hindi po namin kayang ipamigay ng libre ang lahat dahil may kamahalaan din po ang materyales ng binakol. Dahil gusto naming makatulong, tinugunan namin ang mga umoorder sa napakamurang halagang P50.00. Dumami pa ang nagkaroon ng binakol face mask at pinaikot naming puhunan ang kinikita dito para muling makapagbigay ng libreng face mask sa ating mga frontliners,” aniya.

Ipinaliwanag ni Ermelyn, na bukod sa pulso ng bayanihan, ang kanilang pagtulong ay bilang pasasalamat sa pagtangkilik ng mga tao sa kanilang mga produktong binakol.

“Lumaki ang aming kooperatiba dahil sa tulong ng Department of Agrarian Reform (DAR) Ilocos Norte at sa suporta ng mga tao,” aniya.

Taong 2009, ang San Jose MPC ay isang maliit ng kooperatiba lamang na mayroong consumer store at micro-financing business. Sa taon ding ‘yon, napagdesisyunan nila na subukan ang binakol craft making business upang madagdagan ang kanilang kita.

Nag-umpisa lamang sa kapital na P3,000, tatlong manghahabi at tatlong lumang hand looms ang San Jose MPC. At dahil wala pa silang production building, naghahabi sila sa lilim ng isang punong mangga sa Barangay San Jose sa Sarrat.

Bagamat sa ilalim ng punongkahoy lamang sila gumagawa ng binakol, naging maganda ang kalidad ng kanilang mga produkto. Dahilan kung bakit sila dinayo ng maraming mamimili, maging ng mga turista.

Kabilang sa kanilang mga unang produktong binakol ay mga table runners, placemats, house décor at souvenir items kung saan mabilisang nadagdagan ang mga ito dahil sa demands ng mga local at foreign tourist na halos araw-araw ay bumibisita sa kanilang kooperatiba.

Dahil sa popularidad ng binakol, inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Sarrat ang Binakol Festival noong 2012.

Mga produkto ng San Jose MPC mula sa Binakol.

Taong 2015, naipatayo ang Binakol Craft Production Building sa pamamagitan ng Village Level Processing Center Enhancement Project (VLPCEP) ng DAR Ilocos Norte. Kaakibat ng DAR, tumulong rin ang Department of Trade and Industry at Technical Education Skills Development Authority sa pagbibigay ng financial support at training sa mga manghahabi ng San Jose MPC.

Dahil sa malaking suporta, lalo pang dumami ang nagagawa nilang binakol products. Gumagawa na rin sila ng iba’t ibang klase ng damit, sapatos, sombrero, bags, backpacks, purses, cellphone cases, at syempre, face masks.

Bukod sa production, tinutulungan din sila ng DAR Ilocos Norte sa aspetong promotion at marketing.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Vic M. Ines, tumutulong ang DAR sa pag promote sa mga binakol products sa mga malls at department stores sa buong bansa.

“Tinuturuan namin silang gumawa ng iba’t ibang marketing strategies,” ani Ines.

Dahil sa kanilang pagsisikap, suporta ng mga tao at tulong ng iba’t ibang sangay ng gobyerno, lumaki ang kita ng San Jose MPC sa pamamagitan ng kanilang binakol craft making business.

Mula sa kakarampot na tatlong libong piso noong 2009, ang kanilang total asset sa kasalukuyan ay mahigit ng P1.3 million. Mula sa tatlong lumang hand loom, mayroon na silang siyam na hand loom at sampung electric sewing machine. At mula sa tatlong manghahabi, mayroon na silang 22 weavers.

“Sobrang pasasalamat namin sa Diyos dahil binigyan niya kami ng mga tao at tanggapan na tumutulong sa amin. Kaya’t sa abot ng aming makakaya, tutulong kami sa aming kapwa-tao ngayong panahon ng Covid-19 at sa mga darating pang sakuna,” ani Emerlyn.

#AgrarianReformPH #SupportServicesDelivery