“Ako ang return of investment ng DAR” - Rommel Berganio

 Sa Baroro Elementary School, kung saan siya ang Punong-Guro.

Si Rommel Berganio, 30 taong gulang, Punong-Guro sa Baroro Elementary School sa bayan ng Bacnotan, La Union ay isang frontliner sa gitna ng krisis na dulot ng Corona virus-2019 (Covid-19).

“Malaki ang utang na loob ko sa scholarship ko noon. It is time to give back. Ako ang return of investment ng DAR,”, masayang sambit ni Rommel.

Si Rommel ay naging iskolar ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa ilalim ng Programang Agraryo Iskolar na nagsimula noong 2003 hangang 2012 kung saan tinutulungan ng DAR ang mga anak ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) na makapag-aral upang matulungan nila ang kanilang mga magulang na nagsasaka upang umunlad ang kanilang pamumuhay.

“Bilang isa sa itinuturing na ama ng mga estudyante sa paaralang pinagtatrabahuhan ko, nag-volunteer ako para makatulong sa aking mga kababayan. Isa ako sa tumutulong sa pagtukoy ng karagdagang benepisyaryo para sa Social Amelioration Program (SAP) sa aming munisipyo,” ani Rommel.

Sinabi ni Rommel na kasama ang kanyang mga kapatid, nagdodonate din sila para sa mga frontliners, lalong-lalo na sa kanilang barangay. Nag-aabot sila ng bigas at konting cash para may makain at maipambili sila ng kanilang pangangailangan lalo na ngayong umiiral ang quarantine. Maliban dito ay bumibisita din sila sa mga pamilyang “walang-wala” at nag-aabot ng konting tulong sa abot ng kanilang makakaya dahil alam nila ang pakiramdam ng walang-wala.

“Ang mga ganitong pagkakataon ay isang kasiyahan para sa akin sapagkat ito ay isa sa mga paraan ng pagbabalik tanaw, pagbibigay tulong at suporta sa aking mga kababayan upang maibsan ang hirap na kanilang dinaranas, katulad noong panahon na kami rin ay walang-wala pa,” ani Rommel.

Si Rommel bilang isa sa mga vounteers upang tumulong sa pagtukoy ng additional SAP beneficiaries sa kanilang bayan.

“Namulat ako sa hirap at pagsubok ng buhay. Naging inspirasyon ko ang kahirapan upang hindi bumitiw sa aking mga pangarap. At dahil na rin sa tulong ng DAR, ako ay nakapagtapos ng pag-aaral at nakamit ko ang aking pangarap,” aniya.

Ang “Programang Agraryo Iskolar” ng DAR ay mas kilala noon sa tawag na PDMASP o President Diosdado Macapagal Agrarian Scholarship Program. Layon ng programang ito ang pagbibigay ng oportunidad sa mga anak ng ARBs na makapag-enrol at makatapos ng apat na taong kurso sa agrikultura o may kinalaman sa agrikultura.

Ikinuwento ng Punong-Guro na galing siya sa isang broken family. Nakagisnan niya ang hirap at kasalatan sa buhay.

“Kaming tatlong magkakapatid ay lumaki sa poder ng aming lolo’t lola na pawang mga magsasaka. Sa murang edad tumatak sa isipan namin ang nakaatang na malaking responsibilidad, hindi lamang sa mga kapatid kundi sa mga nagpalaki at nag-aruga sa amin. Sa kabila ng aming mga dinanas, nagsumikap kami upang tuparin namin ang mga aming mga minimithing pangarap,” aniya.

Matapang, masipag at may angking talino, ganyan ilarawan si Rommel ng mga nakakakilala sa kanya. Sa mga katangiang ito unti-unti niyang narating ang tagumpay. Nagtapos siya sa elementarya bilang Salutatorian. Nairaos ang high school sa pamamagitan ng paninilbihan sa isang kamag-anak kapalit ang pagpapaaral sa kanya. Nag-enroll sa kolehiyo na walang kasiguraduhan kung saan kukuha ng pangmatrikula.

Ani Rommel sadyang napakabuti ng Diyos dahil sa mga sandaling iyon binigyan niya ng kasagutan ang kanyang panalangin. Si Rommel ay isa sa mga pinalad na maging kwalipikado para sa “Programang Agraryo Iskolar” ng DAR.

Ang pagtanggap ni Rommel ng award bilang Outstanding Elementary Teacher ng Bacnotan.

Si Rommel ay kumuha ng kursong Agricultural Education at matagumpay na nakapagtapos bilang Cum Laude. Pumasok siya sa Department of Education pagkatapos niyang maipasa ang Licensure Exam para sa mga guro at naging classroom teacher ng walong (8) taon. Kumuha din siya ng Master’s Degree in Educational Administration at units ng Doctoral sa isang State University.

Noong 2014, nakatanggap siya ng pagkilala bilang Most Outstanding Teacher ng Bacnotan, La Union at napabilang na finalist sa 10 Outstanding Teacher ng Division. Sa kagustuhang mas malinang ang kanyang kakayahan, nagpatala siya para sa School Administrator bilang Head Teacher II at siya ay nanguna sa ranking sa kabila ng pagiging pinakabata sa hanay ng mga nagpatala. Matagumpay din niyang naipasa ang pagsusulit para sa mga Punong-Guro at kasalukuyan nga siyang Punong-Guro ng Baroro Elementary School.

Ayon sa kanya, ang lupaing sinasaka ng kanyang lolo’t lola noong siya ay nag-aaral pa ay nahati-hati na sa kanilang mga anak. Ang kanilang parte ay tinataniman pa rin nila ng palay. Dito sila kumukuha ng kanilang pagkain.

“Sa katunayan ang iba ay ibinabahagi namin sa mga nangangailangan sa aming komunidad lalo na iyong mga wala na halos ng makain.”

Sa kanyang katayuan sa buhay ngayon, tunay nga na ginagawa niya ang lahat upang masuklian hindi lamang DAR bilang nagbigay sa kanya ng libreng pag-aaral sa kolehiyo kung hindi pati na rin ang kabutihan at pagmamahal ng mga tumayong magulang nilang magkakapatid – ang kanyang lolo at lola. Sa katunayan bago pa man lumaganap ang Covid 19 ay nakapamasyal pa siya sa Palawan kasama ang kanyang lolo at mga kapatid.

“Ang aking lolo’t lola at ang aking mga karanasan ang nagtulak upang mapabuti ang aking sarili at gagawin ko ang lahat upang mabigyan ko sila ng magandang buhay. Salamat din sa DAR dahil naging bahagi sila ng aming tagumpay,” pagtatapos ni Rommel.

#AgrarianReformPH #SupportServicesDelivery