Tulay ng Pangulo Project, pinasinayaan sa Sultan Kudarat

 
 
Isulan, Disyembre 16 - Laking tuwa ng mga residente ng Brgy. Kalawag 1 sa munisipyo ng Isulan, probinsya ng Sultan Kudarat, nang pormal ng buksan ang Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP) project ng Department of Agrarian Reform nito lamang Disyembre.
 
Sinabi pa ni provincial agrarian reform program officer Rodolfo T. Alburo na ang nasabing tulay ay may haba na 28.6 metro, may lawak na 6.2 metro at tinatawid ang Kalawag 1 Creek.
 
Dagdag pa ni Alburo na ang Tulay ng Pangulo Project o dati ring tinatawag na “The President’s Bridge” Project ay pinondohan ng gobyerno ng France, sa pagkokooperasyon sa gobyerno ng Pilipinas, inimplementa ng Department of Public Works and Highways at sa pakikipagtulungan sa DAR.
 
Ayon naman sa point person ng proyekto na si Engr. Aiza M. Dima, nagsimula ang konstruksiyon ng nasabing tulay noong Agosto 11 at natapos noong Nobyembre 27, 2020. Sinabi rin ni Engr. Dima na ang mga ginamit na materyales para sa proyektong ito ay nanggaling mismo sa France sa pamamagitan ng French construction firm na Matiere SAS.
 
Bilang kinatawan ni DAR XII Regional Director Marion Y. Abella, binati ni Assistant Regional Director H. Roldan A. Ali ang mga residente ng Kalawag 1 at mga opisyales ng LGU Isulan sa pamumuno ni Mayor Maritess K. Pallasigue, sa proyektong ibinahagi sa kanila ng DAR.
 
"Tiyak na mapapadali ang biyahe ng mga magsasakang maglalako ng kanilang mga produkto sa palengke dahil may tulay na silang madadaanan," sabi pa ni ARD Ali.
 
Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si Mayor Pallasigue sa DAR dahil sa ipinagkaloob na biyaya sa kanilang munisipyo.
"Lubos po kaming nagpapasalamat sa DAR dahil mas gagaan at bibilis na ang biyahe ng mga dumaraan sa Kalawag 1 creek patungo sa palengke at kani-kanilang mga trabaho," sabi ni Mayor Pallasigue.
 
"Hindi na malalagay sa peligro ang buhay ng mga tumatawid sa tulay ng creek na nooy gawa lamang sa kahoy at kawayan. Kaya maraming, maraming salamat sa DAR dahil sa ibinigay na proyektong ito,” sabi naman ni barangay captain Bryan Ayco.
 
Article by DARPO SK PIO Kathleen S. Pagayon
Photos courtesy of Engr. Aiza M. Dima