Egg machine kumikita kahit may quarantine

Dingalan, Aurora. Ala-sais ng umaga, randam pa ang hamog sa dampi ng hangin, unti-unting sumisikat ang araw sa Barangay Ibona, Dingalan, Aurora habang sina Maricel, Ma. Theresa, Soledad, Rosalinda at Magdalena ay nasa loob ng isang kulong na dampa na may 96 na inahing manok. Sunod-sunod na gumugulong ang humigit-kumulang na 80 sariwang itlog mula sa egg machine.

Ang egg machine ay isang kulungan ng inahing manok na yari sa bakal. Ang bawat egg machine ay binubuo ng mga munting kulungan ng 48 na inahing manok na nangingitlog bawat araw. Ito ay tinawag na “machine” dahil tuwing mangingitlog ang bawat inahin, may naka-abang na daluyan ng mga sariwang itlog na naiipon sa isang sisidlan.

(Inset: kanan) Marites G. Paraon, Municipal Coordinator, DAR-Dingalan, Aurora,binisita ang egg machine project sa Barangay Ibona, Dingalan, Aurora.

Ang grupo nina Maricel ay nabiyayaan ng 2 set ng egg machine sa ilalim ng Passover: ARBold Move for Deliverance of our Farmers from COVID-19 pandemic mula sa Department of Agrarian Reform. Ito ay naigawad noong Nobyember 2020. Ang grupo nila ay kabilang sa mga magsasaka na nabiyayaan ng lupang sakahan sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

“Ang ARBold Move project ay nakatulong ng personal sa akin dahil nabigyan kami ng  libreng paitlogin na manok, natuto din ako  kung paano mag-alaga at nakatulong sa aming pang-araw araw na gastusin ang kita dito sa panahon ng pandemya”, ani Maricel.

“Sa bawat araw, nakakakuha kami ng 80 plus na sariwang itlog mula sa egg machine. Dinideliver namin ang mga itlog sa tindahan nina Astelero, Mislang, Resilva, Naga at Cacho. P6 bawat itlog ang benta namin. Cash po ang bayad”, ani Soledad.

2 set ng egg machine, 96 na inahin na handa ng mangitlog, patuka sa loob ng 1 buwan, bitamina at gamot ay nagmula sa pondo ng DAR na nagkakahalaga ng P150,000.00.

Ang housing ng 2 set ng egg machine ay counterpart ng 5 kababaihan na benepisyaryo ng proyekto.

Ang teknolohiya ng egg machine ay nagmula sa Pilmico Foods Corporation. Ito ay subok na at garantisado ang kita. Bilang bahagi ng serbisyo ng Pilmico, isang local production technician nakakasakop sa Dingalan ang regular na nagmomonitor at nagbibigay ng teknikal na tulong sa grupo nila Maricel.

“Ang egg machine project ay isang napapanahong tulong mula sa DAR upang magkaroon ng dag-dag kita ang mga kababaihan sa panahon ng pandemya. Ito rin ay lokal na ambag sa kaseguruhan sa pagkain", ayon kay PARPO II Jocelyn O. Ramones.

Para kina Maricel P. Banan, Ma. Theresa B. Naga, Soledad C. Pelin, Rosalinda H. Obenario at Magdalena P. Cumilang, ang proyekto ay hindi lamang nakatulong sa kanilang pampinansiyal na pangangailangan bagkus ito rin ay naging daan sa pagtutulungan sa panahon ng kagipitan at pandemya.

Ang mga inahin ay papalitan pagkalipas ng 542 days mula sa araw ng pangingitlog. Sa kasalukuyan, 180 days na ang nakalipas pagkaraan nang unang nangitlog ng maramihan ang mga inahin. Sa ngayon, umabot na sa P 99,654.00 ang kabuuang kita mula sa egg machine sa panahon na may COVID19 quarantine.