Mga magsasaka ng Pangasinan, aktibong nilalabanan ang kahirapan at kagutuman

Hindi naging rason sa mga magsasaka ng Pangasinan ang rumaragasang pandemya upang labanan ang kahirapan at kagutuman. Sa ilalim ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP), nakabenta ng mahigit P34.4 milyon na dairy products at sari-saring gulay ang limang agrarian reform beneficiary organization (ARBO) mula sa iba-ibang bayan sa probinsya. Sa buong bansa ay ang Pangasinan ang kinilala na may pinakamataas na gross sales sa ilalim ng naturang programa.

Sa pinagbentahan ng mga ARBO ngayong taon, P29.2 milyon nito ay mula sa dairy products ng Bantog Samahang Nayon Multipurpose Cooperative. Ang grupo na ito mula Asingan ang may pinakamataas na product gross sales sa Pilipinas. Ito ay matapos itong mapili ng Philippine Carabao Center bilang supplier ng carabao milk at carabao milk bread sa libo-libong mag-aaral sa mga schools division offices ng Department of Education sa Pangasinan.

Ang mga persons deprived of liberty sa Urdaneta City, Tayug, Dagupan City, at Balungao naman ang mga pangunahing benepisyaryo ng mga sariwang gulay ng Gualsic Agricultural Cooperative, Evangelista Agrarian Reform Cooperative, Aliguas Dumaralos na Buenlag, Inc., at Carosalesan Irrigators Consumers Cooperative. Umabot sa P5.2 milyon na halaga ng gulay ang binili ng Bureau of Jail Management and Penology mula sa mga naturang farmer group.

Sa pamamagitan ng EPAHP, inilalapit ng Department of Agrarian Reform ang mga institutional buyer sa mga ARBO upang masiguro ang kita ng mga ito, at upang matiyak din na sariwa at masustansya ang makukuha ng mga buyer na produkto. (zarena ann amado) ###

#DARPangasinanEPAHP