đź“…

Carmen, Bohol – Mas malinaw na ngayon sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Bohol ang kanilang mga karapatang legal, matapos nilang maobserbahan ang aktwal na pagdinig ng usapin sa lupa sa pagitan ng may-ari ng lupa at mga magsasaka.
Pinuri ni DAR Secretary Conrado Estrella III ang DAR provincial office sa Bohol dahil sa bago at makabuluhang paraan ng pagtuturo sa mga ARBs—ang aktwal na pagpapakita kung paano nilulutas ang mga alitan sa lupa sa ilalim ng batas.
Nagsimula ang aktibidad noong 23 Abril sa tanggapan ng DAR sa bayan ng Carmen, sa pangunguna ni Ronald I. Pumatong, Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) ng Bohol. Inimbitahan ang 50 ARBs para saksihan kung paano isinasagawa ang mediation o pag-aayos ng sigalot sa lupa, bilang bahagi ng pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Sinabi ni Pumatong na ang pagpapasaksi sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo sa aktwal na mediation ay makakatulong sa kanila na makabuo ng sariling pag-unawa sa totoong sitwasyon at hindi basta maniwala sa sabi-sabi lang.
“Malaking tulong ito para mas maintindihan ng ARBs ang tamang proseso. Hindi na sila basta-basta naniniwala sa sabi-sabi. Alam na nila ngayon ang mapayapa, tama, patas at legal na pamamaraan ng paglutas sa mga problema sa lupa.” wika ni Pumatong.
Pinangunahan ni Atty. James Horace Balonda, hepe ng Legal Assistance Division ng DAR-Bohol, ang mediation kasama sina Atty. Johvin Dave E. Oppus, Zenona Charisma R. Leopoldo, at Lira Q. Iroy. Kasama rin sa pagtutok sa aktibidad si Laura R. Lacea, Municipal Agrarian Reform Program Officer ng DAR-Carmen, at ang kanyang staff.
Patuloy ang DAR sa paghahanap ng epektibong paraan para mas mapalawak ang kaalaman at proteksyon ng mga magsasaka, upang matiyak na hindi lang sila basta nabibigyan ng lupa kundi tunay na napapalakas din ang kanilang kakayahan at karapatan. (By: Richard B. Gallardo with inputs from DAR-Bohol)