📅

Lumahok ang DAR-Camarines Norte sa Talisay Watershed Convergence Area Development Plan Workshop sa ilalim ng National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD) na ginanap sa Nathaniel Hotel, Daet, Camarines Norte.

Camarines Norte — Nakipag-sanib puwersa ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang pangalagaan ang Talisay Watershed at tulungan ang Agrarian Reform Beneficiaries at pamayanang rural sa Camarines Norte.

Kasama ang Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of the Interior and Local Government (DILG), bumuo ang DAR ng plano para mas mapakinabangan ang mga likas na yaman—mula bundok hanggang dagat—habang pinoprotektahan ang kalikasan at pinapalakas ang kabuhayan ng mga mamamayan.

Pinangungunahan ni DAR Region V Director Reuben Theodore C. Sindac pagdalo ng ahensya sa apat na araw na workshop para sa Talisay Watershed Convergence Area Development Plan (CADP).

Tinalakay sa workshop ang paggamit ng “ridge-to-reef” na pamamaraan, kung saan isinasaalang-alang ang maayos na pagpaplano mula sa kabundukan hanggang sa baybayin. Layunin nitong mapangalagaan ang kalikasan habang pinapabuti rin ang kabuhayan at kabuuang pamumuhay ng mga magsasaka at mga pamayanang rural.

Lumahok ang DAR-Camarines Norte sa Talisay Watershed Convergence Area Development Plan Workshop sa ilalim ng National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD) na ginanap sa Nathaniel Hotel, Daet, Camarines Norte.

“Ang convergence initiative ay patunay na kapag nagtutulungan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, nagiging mas epektibo at pangmatagalan ang kaunlarang hatid sa kanayunan. Sa pamamagitan ng pagkakaisa—pagsasama ng mga pondo, pag-aayon ng mga prayoridad at pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan—nagiging mas buo, inklusibo at makabuluhan ang ating mga programa,” ayon kay Director Sindac.

Ang Talisay Watershed ay ang ikalawang convergence area sa rehiyon ng Bicol sa ilalim ng National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD), kasunod ng matagumpay na proyekto sa Pili Watershed sa Sorsogon. Sakop ng proyekto ang mga bayan ng Talisay, Daet, San Vicente, at Vinzons.

Layon ng proyekto na magbigay ng mas mahusay na suporta sa ARBs, tulad ng pagsasanay, access sa mga programa ng gobyerno, at tamang paggamit ng lupa—para sa mas matatag at masaganang pamayanan.

Alinsunod sa NCI-SRD Resolution No. 3, Series of 2018, inaatasang magtatag ng hindi bababa sa isang convergence area ang bawat rehiyon.

Sa pamumuno ni Secretary Conrado M. Estrella III, patuloy ang pagtutok ng DAR sa pakikipagtulungan at pagbibigay-lakas sa mga magsasaka para sa pangmatagalang kaunlaran sa kanayunan. (Prepared and written by: Sheen Claudette C. Paz-Leyco)