đź“…

PANGANTUCAN, Bukidnon – Nanguna ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa isang kolektibong hakbang ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maprotektahan at mapaunlad ang Muleta Watershed, isang mahalagang likas-yaman sa Bukidnon.
Ang proyektong ito ay bahagi ng National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD) kung saan nagsanib-pwersa ang DAR, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA), at Department of the Interior and Local Government (DILG) upang isulong ang kaunlaran sa kanayunan, matiyak ang pangmatagalang balanse sa kalikasan at pag-unlad ng mga pamayanan.
Inilunsad ng mga nasabing ahensya ang Muleta Watershed Convergence Area Development Plan (CADP) noong 30 Agosto 2024—isang limang-taong plano (2023–2027) na naglalaman ng mga hakbang para protektahan, isaayos, at paunlarin ang 21,630 ektaryang watershed na sumasakop sa 11 barangay sa Pangantucan.

Ang Muleta Watershed, na nagmumula sa Mt. Kalatungan, ay may kabuuang sakop na 83,884.89 ektarya sa siyam (9) na bayan at isang (1) lungsod sa Bukidnon. Ang Muleta River, na sangay ng Pulangui River, ay nagsisilbing patubig at suporta sa malawak na sakahan sa lugar, na isa sa mga pangunahing tagasuplay ng pagkain sa bansa.
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng watershed, ipinatututpad ng NCI-SRD ng mga pinagsanib na programa upang bigyang-lakas ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at isulong ang pangangalaga sa kalikasan. Nasa sentro ng inisyatibong ito ang DAR, na isinasaalang-alang ang tamang paggamit ng lupa bilang bahagi ng kanilang mga patakaran at programa upang mas maging aktibong tagapangalaga ng kalikasan ang mga ARB habang kumikita mula sa pagsasaka.
“Layunin ng DAR ay bigyang-kapangyarihan ang ating mga magsasaka hindi lamang bilang tagapagtanim kundi bilang tagapangalaga rin ng kalikasan. Ang aming gawain dito sa Muleta Watershed ay para sa kinabukasang magkaugnay ang pag-unlad sa agrikultura at ang pangangalaga sa kalikasan,” ayon kay DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) Jammal G. Pangandaman.
Sa ilalim ng CADP, may tatlong pangunahing ambag ang DAR:
- Land Tenure Improvement – Tinutulungan ang mga ARB na makamit ang ligtas at malinaw na pagmamay-ari ng lupa upang mas maging bukas sila sa tamang pangangalaga at paggamit nito.
- Support Service Delivery – Nagbibigay ng mga kinakailangang kagamitan, pagsasanay, at teknolohiya upang mapataas ang ani nang hindi nakakasama sa kalikasan.
- Climate-Resilient Agriculture – Isinusulong ang mga pamamaraan sa pagsasaka na kayang makibagay sa pabago-bagong klima para masigurong magpapatuloy ang agrikultura sa watershed.
Sa pamamagitan ng Muleta Watershed Convergence Area Development Plan, nilalayon ng NCI-SRD ang isang kinabukasan kung saan ang kaunlaran sa kanayunan ay naka-sentro sa tao, pinagsanib ng iba’t ibang ahensya, at maka-kalikasan. Layunin nitong panatilihin ang watershed bilang buhay na yaman na magsusustento sa agrikultura, balanse sa kalikasan, at katatagan ng komunidad para sa mga susunod na henerasyon. (By: Pinky Roque with inputs from DA-Bukidnon)