Hinihikayat ng DAR North Cotabato ang kabataan! Mga estudyante, nakikilahok sa kampanya ng DAR upang palakihin ang interes sa agrikultura.

North Cotabato – Pinalalakas ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa North Cotabato ang kaalaman at interes ng kabataan sa agrikultura sa pamamagitan ng isang kampanyang humihikayat sa mga kabataan na tingnan ang agrikultura bilang isang makabuluhan at maaasahang propesyon.

Sa pamamagitan ng mga masiglang talakayan, naabot na ng kampanya ang 4,773 na Grade 10 at Senior High School na estudyante mula sa 20 paaralan sa 18 bayan. Ipinakikilala rito ang mga pangunahing programa ng DAR, lalo na ang Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project, at ang iba’t ibang oportunidad sa larangan ng agrikultura.

Ayon kay Evangeline Bueno, Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO), hindi lang simpleng pagbibigay-kaalaman ang layunin ng kampanya. “Layunin naming ipakita sa kabataan ang mahalagang papel nila sa pagpapaunlad ng bansa sa pamamagitan ng agrikultura.”

Dagdag pa niya, “Gusto naming mahikayat ang kabataan na maging aktibo sa pagpapatuloy ng adhikain ng repormang agraryo. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa kahalagahan nito at promosyon ng mga kursong may kaugnayan sa agrikultura, umaasa kami na makabuo ng mga lider na magpapalago sa kanayunan, magtitiyak ng sapat na pagkain, at mag-aangat sa buhay ng mga magsasaka.”

Hinihikayat ng DAR North Cotabato ang kabataan! Mga estudyante, nakikilahok sa kampanya ng DAR upang palakihin ang interes sa agrikultura.

Lalo pang naging makabuluhan ang programa para sa mga estudyanteng anak ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) dahil mas nauunawaan nila ang kanilang pinagmulan at koneksyon sa kanilang komunidad.

Ibinahagi ni Xhadi Calibara, isang estudyante sa Manglicmot High School sa Alamada, ang kanyang pananaw matapos dumalo sa isang sesyon: “Nakakatuwang malaman ang mahalagang ginagawa ng DAR para sa ating mga magsasaka, lalo na para sa ARBs. Hindi ko talaga lubos na naunawaan ang epekto nito noon, ngayon alam ko na.”

Ipinahayag din ni Calibara na ang kaalaman tungkol sa scholarship na iniaalok ng DAR ay nagbukas ng bagong mga oportunidad para sa kanyang kinabukasan. “Ngayong alam ko na may scholarship ang DAR, seryoso ko nang pinag-iisipang kumuha ng kursong may kaugnayan sa agrikultura sa kolehiyo. Isa na itong alternatibo na aking pinag-aaralan.”

Patuloy ang pagsuporta ng DAR North Cotabato sa kampanyang ito para sa kabataan, alinsunod sa direktiba ni DAR Secretary Conrado Estrella III na hikayatin ang mas maraming kabataan na tumulong sa pagpapaunlad ng agrikultura sa bansa.

Layunin ng programa na itaguyod ang pagsasaka hindi lang bilang isang tradisyon kundi bilang isang propesyon na may saysay at magandang kinabukasan. (By: Pinky Roque with inputs from DAR-North Cotabato)