📅

Narra, Palawan — Mas handa na ngayon ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na kasapi ng Mariwara Pag-Asa Multi-Purpose Cooperative sa Barangay Princess Urduja, Narra, Palawan na magsagawa ng maka-kalikasang pagsasaka matapos nilang makumpleto ang dalawang araw na Training on Organic Vegetable and Corn Production na isinagawa ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP).
Layunin ng pagsasanay na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga ARB sa organikong pagsasaka – upang mas maparami ang ani, mapababa ang gastos sa pagsasaka at mapangalagaan ang kanilang kalusugan at kalikasan. Tinuruan ang mga kalahok ng tamang paghahanda ng lupa, pangangalaga sa pananim, at mga paraang hindi nakakasama sa kalikasan ng tagapagsanay mula TESDA na si Melchor Gabua (NC II).

“Ang pagsasanay na ito ay hindi lang tungkol sa pagtatanim, kundi sa pagpapatatag ng kabuhayan at pagiging malaya ng ating mga ARB. Sa pamamagitan ng organikong pagsasaka, tinutulungan natin ang mga ARB na mapataas ang kanilang ani, habang pino-protektahan din ang kanilang kalusugan, lupa, at kabuhayan para sa susunod na henerasyon,” ayon kay ARPO I Nita San Juan, CRFPSP Provincial Point Person, na siyang nangasiwa sa pagsasanay.
Bahagi ito ng patuloy na layunin ng DAR na isulong ang pagtutulungan, maka-kalikasan at matatag na pagsasaka sa mga kanayunan. Tinutulungan nito ang ARBs na makibagay sa mga hamon ng panahon habang pinapalakas ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng kaalaman at at suporta sa Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs) upang umunlad sa harap ng pabago-bagong klima at kalagayan sa agrikultura.
Ang pagsasanay ay naisakatuparan sa tulong ng DAR Palawan at DAR Municipal Office (DARMO) Narra sa pamumuno ni Municipal Agrarian Reform Program Officer (MARPO) Elenita Sandalan.
Patuloy na pinalalakas ng DAR ang samahan ng ARBs sa buong Palawan sa pamamagitan ng mga makabago at maka-komunidad na proyekto na tumutulong sa ligtas at tuloy-tuloy na pagsasaka, at nagsusulong ng seguridad sa pagkain at pangangalaga sa kalikasan.
(Prepared and written by: Sheen Claudette C. Paz-Leyco with inputs from DAR-Palawan)