đź“…

Tuguegarao City – Binigyang-pansin ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Tuguegarao ang mga tahimik ngunit mahahalagang bayani na nagkakaloob ng seguridad sa pagkain — ang ating mga magsasaka, lalo na ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Sa ginanap na Kadiwa ng Pangulo Trade Fair sa SM City Tuguegarao, ipinakita ang malaking papel ng ARBs na mga miyembro ng ARB Organizations (ARBOs) sa pagtutustos ng pagkain sa bansa. Ang aktibidad ay sama-samang inilunsad ng DAR, katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), at Department of Science and Technology (DOST).
Ang aktibidad ay nagbigay-buhay sa activity center ng mall, na naging makulay at masiglang tagpuan ng mga pinakamahusay na ani at produktong ipinagmamalaki ng rehiyon — mula sa bagong pitas na gulay, katutubong prutas, mababangong klase ng bigas at mga ipinagmamalaking lokal na produkto – lahat ay galling mismo sa mga kamay ng ating mga magsasaka.
Higit pa sa pagiging pamilihan, ang fair ay naging selebrasyon ng layunin, at isang makabuluhang paalala ng kahalagahan ng tuloy-tuloy at maayos na pagsasaka at kooperasyon ng komunidad.

“Ang Kadiwa ng Pangulo ay hindi lamang isang pamilihan. Isa itong simbolo ng patas na oportunidad para sa ating mga ARB, tinatanggal nito ang mga middleman upang matanggap ng ating mga ARBs ang karampatang kita at direktang suporta mula sa mamamayan,” ani DAR Cagayan Provincial Agrarian Reform Program Officer II (PARPO II) Val M. Cristobal.
Bukod sa kita, naging pagkakataon din ang trade fair para kilalanin ang mga ARBs na kadalasan lamang na tahimik na nagtatrabaho sa bukid at bihirang mapansin.
“Nakakataba ng puso na makita ang mga tao na pinahahalagahan ang bunga ng aming pagsisikap. Isang malaking karangalan para sa amin na malaman na ang aming ani ay direktang nakararating sa mga hapag ng mga pamilyang Pilipino,” ayon kay Editha L. Manuel, Bical Baliuag ARB Cooperative Chairperson.
Sa diwa ng Bayanihan, ipinamalas ng Kadiwa ng Pangulo Trade Fair kung ano ang kayang gawin ng pagkakaisa ng pamahalaan at mga mamamayan.
Habang humaharap sa mga hamon ang sektor ng agrikultura, naging daan ang kaganapang ito upang ipahayag ang isang mahalagang mensahe: Ang ating mga magsasaka ay hindi lamang mga manggagawa – sila ang nagsisilbing buhay at pag-asa ng sambayanan. (Prepared and written by: Sheen Claudette C. Paz-Leyco)