📅

Banban, Conner, Apayao – Mahigit 1,200 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa Barangay Banban at mga karatig na komunidad ang makikinabang sa katatapos na ₱29.85 milyong Banban-Banauan-Guidegued Farm-to-Market Road (FMR) — isang 1.9-kilometrong konkretong kalsada na layuning mapabuti ang ani ng mga magsasaka at mapadali ang pagdadala ng kanilang produkto sa pamilihan.
Ang turnover ceremony ay ginanap sa Barangay Banban, na bahagi ng CALAOAN Agrarian Reform Community (ARC) na binubuo ng sampung barangay sa Conner. Inaasahang makatutulong ang FMR sa mas mabilis na transportasyon ng mga produkto, pagbawas sa post-harvest losses, at makakatipid ng oras at pera ang mga magsasaka sa pagdadala ng produkto sa pamilihan.
Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Arsenio C. Tumbali, Tagapangulo ng Banban Farmers Agriculture Cooperative, sa Department of Agrarian Reform (DAR), kay Secretary Conrado Estrella III, at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ipinapangako po naming pangangalagaan at panatilihing maayos ang kalsadang ito. Umaasa kami sa patuloy na suporta ng pamahalaan,” ani Tumbali.

Binigyang-diin ni DAR- Cordillera Administrative Region (CAR) Regional Director Samuel S. Solomero na ang proyektong ito ay malinaw na patunay ng pagtutok ng gobyerno sap ag-unlad ng mga kanayunan at sa kapakanan ng mga magsasaka.
Dumalo rin sa seremonya si DAR Central Office Project Management Service (PMS) Director IV Von Mark Mendoza, ilang opisyal ng DAR, at si Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Rustom A. Martinez.
Naroon din si Congresswoman Apayao Eleanor C. Bulut-Begtang, kasama ang mga opisyal mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Apayao at mga lider mula sa Municipal at Barangay Local Government Units ng Conner.
Ang FMR na ito ay itinayo sa ilalim ng Program Beneficiaries Development Division (PBDD) ng DAR, na nagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga ARB at Agrarian Reform Communities (ARCs) sa buong bansa. Nakasentro ang programa sa pagbibigay ng imprastruktura, pagsusulong ng masaganang pagsasaka, at pagpapabuti ng kabuhayan sa kanayunan.
Sa bagong kalsadang ito, mas magiging konektado na ang mga pamilyang magsasaka sa Banban at mga karatig lugar—isang hakbang tungo sa mas matatag na ekonomiya at pangmatagalang pag-unlad ng komunidad. (By: Medel Mercado with inputs from DAR-Apayao)