đź“…

Ang pagkakaloob ng dalawang (2) solar-powered irrigation projects na nagkakahalaga ng Php 18.5 milyon para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Barangay Marcela, Sta. Marcela, at Barangay Dagupan, Luna, Apayao.

Apayao – Ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR), kasama ang National Irrigation Administration (NIA), ang dalawang (2) Solar-Powered Irrigation Projects (SPIPs) na nagkakahalaga ng Php 18.5 milyon para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Barangay Marcela, Sta. Marcela at Barangay Dagupan, Luna, Apayao.

Layunin ng mga proyektong ito na itaguyod ang tuloy-tuloy at makakalikasang pagsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng maaasahan at eco-friendly na suplay ng tubig sa mga magsasaka. Makatutulong din ito para bumaba ang gastos sa pagsasaka at tumaas ang ani.

Ang Marcela SPIP na nagkakahalaga ng Php 7.5 milyon mula sa 2023 Comprehensive Agrarian Reform Program – Irrigation Component (CARP-IC) Fund ay pakikinabangan ng 22 magsasakang nagsasaka sa 15 ektarya ng lupa. Samantalang ang Dagupan SPIP na nagkakahalaga ng Php 11 milyon mula sa 2024 CARP-IC fund ay pakikinabangan ng 34 magsasakang nasasaka sa 24 ektarya ng lupa.

Ang pagkakaloob ng dalawang (2) solar-powered irrigation projects na nagkakahalaga ng Php 18.5 milyon para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Barangay Marcela, Sta. Marcela, at Barangay Dagupan, Luna, Apayao.

Ang parehong proyekto ay may solar-powered na bomba, kanal, at iba pang istruktura ng patubig na nagbibigay ng tuloy-tuloy at makakalikasang irigasyon.

Sa pamamagitan ng mga sistemang ito, makatitipid na sa gasolina at kuryente ang mga magsasaka, makapagtatanim ng mas maraming pananim sa buong taon, at mas lalaki ang kanilang kita. Makakapagtanim din sila ng iba-ibang uri ng pananim na makakatulong sa lokal na suplay ng pagkain.

Ibinahagi ni Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Juliet Dumapis na ang paggamit ng solar-powered irrigation ay nakatutulong sa mas maayos na pagsasaka at sumusuporta sa pang-matagalang pag-unlad ng agrikultura.

Dumalo sa turnover ceremony sina Vice Governor Remy Albano, Mayor ng Flora na si Rodolfo Juan, NIA-CAR Regional Manager Benito Espique, Jr., at iba pang opisyal. Ipinapakita ng kanilang presensya ang matibay na suporta sa mga makabagong solusyon gamit ang renewable energy na kapaki-pakinabang sa mga komunidad ng mga magsasaka.

Ang DAR, NIA, mga lokal na opisyal, at mga miyembro ng irrigators’ associations ay sama-samang dumalo sa okasyon bilang patunay ng suporta ng pamahalaan sa pagtatayo ng tuloy-tuloy at masaganang sistema ng pagsasaka sa rehiyon ng Cordillera. (By Medel Mercado with inputs from DAR-Apayao)