📅

Ang mobile rice mill at mga floating tiller ay ipinagkaloob sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPS).

Rosario, Agusan Del Sur – Upang matulungan ang mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na makasabay sa hamon ng pabago-bagong klima at mapataas ang ani, nag-abot ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng ₱1.455 milyong halaga ng Farm Machineries and Equipment (FMEs) sa Bayugan 3 Irrigators Association, Inc. (BIA).

Ang tulong ay bahagi ng programang Climate Resilient Farm Productivity Support – Major Crop-Based Block Farming (CRFPS-MCBF) na layuning magtaguyod ng mas masaganang kabuhayan at mas episyenteng pagsasaka para sa mga ARB.

Pinangunahan nina Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) Loida L. Jones, Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Joven R. Pizarro, at Municipal Agrarian Reform Program Officer (MARPO) Roger D. Añasco, kasama ang mga kinatawan ng DAR, Department of Agriculture at mga opisyal ng barangay, ang seremonya ng turnover ng mga gamit.

Nagkaloob ang DAR ng P1.455 milyong halaga ng makinarya at iba pang kagamitang pansaka, sa Bayugan 3 Irrigators Association, Inc.

Ang mga natanggap ng BIA ay ang mga sumusunod:

Limang (5) floating tiller (para sa pagbubungkal sa maputik na palayan)
Tatlong (3) hand tractor
Isang (1) mobile rice mill
Isandaan at Limampung sako ng palay

Ang mga makabagong kagamitang ito ay malaking tulong sa mga magsasaka ng palay, lalo na sa mga lugar na palaging basa at maputik. Ang floating tiller, halimbawa, ay nakatutulong sa mas mabilis at maayos na paghahanda ng lupa kahit mahirap ang kundisyon.

Ayon kay PARPO Jones, “Ikinagagalak naming suportahan ang BIA sa kanilang pagsisikap na magkaroon ng matibay at makakalikasang pagsasaka. Malaki ang maitutulong ng mga kagamitang ito sa inyong ani at sa inyong paghahanda sa epekto ng pagbabago ng klima.”

Dagdag ni MARPO Añasco, mahalagang pangalagaan ng ARBs ang mga kagamitang ibinigay: “Ang mga makinang ito ay puhunan para sa inyong kinabukasan. Ingatan ninyo ito upang patuloy itong mapakinabangan ng buong samahan sa matagal na panahon.”

Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat ang mga opisyal at miyembro ng BIA sa DAR dahil sa tuloy-tuloy nitong suporta sa kanilang samahan. Nakita nilang malaking tulong ito sa pagpapalakas ng kanilang kakayahan bilang mga organisadong magsasaka repormang agraryo.

Layunin ng CRFPS-MCBF na pagsama-samahin ang ARBs sa isang block farm na nakatuon sa pangunahing pananim, at bigyan sila ng makinarya, pagsasanay, at tulong upang mapabuti ang pagsasaka at pag-unlad ng kanilang kabuhayan.

Ipinapakita ng turnover na ito ang patuloy na pagtutok ng DAR sa pagtulong sa mga magsasaka na malampasan ang kahirapan at epekto ng pagbabago ng klima sa pamamagitan ng makabuluhang suporta. (By: Pinky Roque with inputs from DAR-Agusan del Sur)