đź“…

Baguio City – Upang mapalakas ang lokal na ekonomiya ng agrikultura, masuportahan ang seguridad sa pagkain, at matiyak ang mas masustansyang suplay ng pagkain ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs), pinangunahan ng Department of Agrarian Reform (DAR) – Benguet ang pagpirma ng marketing agreement sa pagitan ng dalawang (2) Agrarian Reform Beneficiaries’ Organization (ARBO) at ng Benguet Provincial Jail.
Ginawa ang pirmahan sa “Kumustahan Session” sa Baguio City, kung saan pormal na nagtulungan ang Bokod Sulfur Spring Multipurpose Cooperative (BSSMC) at ang Taba -ao-Cuba Multipurpose Cooperative (TACUMPC) para magsuplay ng sariwa at lokal na ani sa BPJ sa presyong makatarungan at pabor sa komunidad.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Lailani Cortez, ang inisyatibong ito ay bahagi ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) Program ng DAR, na nag-uugnay sa mga magsasaka sa mga institusyunal na mamimili upang alisin ang mga middleman, pababain ang gastos sa pagkain, at mapabuti ang kabuhayan ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
“Ang kasunduang ito na nagbibigay suporta sa lokal na agrikultura at nutrisyon ng komunidad ay hindi lamang basta kasunduan sa pagbebenta — ito ay isang malaking tulong-pangkabuhayan para sa ating mga magsasaka,” aniya.
Binigyang-diin din ni Cortez ang kahalagahan ng tiwala at katapatan sa pagpapanatili ng matatag na mga ugnayan, at sinabi na ang kasunduang ito ay nagbibigay ng bago at matatag na merkado para sa mga ARBO habang pinagtitibay ang pangako ng DAR sa seguridad sa pagkain at pagpapaunlad ng kanayunan. (By: Medel Mecado with inputs from DAR-Benguet)