📅

Ang mga kinatawan ng DAR – South Cotabato, katuwang ang mga lokal na opisyal ng Polomolok, habang isinasagawa ang seremonyal na pamamahagi ng ₱1.5 milyong halaga ng makinaryang pansakahan sa Glamang Communal Irrigators Association, Inc. sa Barangay Glamang, Polomolok, South Cotabato.

Polomolok, South Cotabato – Ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) – South Cotabato ang Farm Machineries and Equipment (FMEs) na nagkakahalaga ng ₱1.5 milyon sa Glamang Communal Irrigators Association, Inc. (GCIA, Inc.) na matatagpuan sa Barangay Glamang, Polomolok, South Cotabato.

Kabilang sa ipinamahaging FMEs ang isang (1) diesel engine tractor na may kasamang disc plow, at dalawang (2) multi-power tiller na may mga accessories. Susuportahan ng mga kagamitang ito ang operasyon sa pagsasaka ng 165 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na mga miyembro ng GCIA, Inc.

Pinuri ni Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) I Thong C. Tambak, na kumatawan kay PARPO II Valerie F. Seiton, ang mahusay na pamamalakad ng asosasyon at hinikayat ang mga miyembro na alagaan ang mga makinarya upang tumagal at mapakinabangan ng marami.

Ang mga kinatawan ng DAR – South Cotabato, katuwang ang mga lokal na opisyal ng Polomolok, habang isinasagawa ang seremonyal na pamamahagi ng ₱1.5 milyong halaga ng makinaryang pansakahan sa Glamang Communal Irrigators Association, Inc. sa Barangay Glamang, Polomolok, South Cotabato.

“Ang tagumpay ng proyektong ito ay hindi lamang sa pagtanggap ng mga makinarya kundi sa kung paano ito aalagaan at gagamitin para sa kapakinabangan ng buong samahan at komunidad,” pahayag ni Tambak.

Nagpasalamat naman ni Antonio Torre, Pangulo ng GCIA, Inc., sa tulong mula sa DAR at nangako siya na patuloy nilang palalakasin ang kanilang asosasyon sa pamamagitan ng pagsusumikap na maiparehistro ito bilang isang ganap na ARB Organization (ARBO).

“Malaking tulong po sa aming pagsasaka ang mga makinang ito. Mas mapapadali at mapapahusay ang aming produksyon. Taos-puso po kaming nagpapasalamat sa DAR at sana ay simula pa lamang ito ng mas marami pang pagtutulungan sa hinaharap,” ani Torre.

Ang kaganapan ay bahagi ng Major Crop-Based Block Farming (MCBF) component sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP) ng DAR. Layunin ng programa na tulungan ang mga ARBO na maging mas handa sa hamon ng pagbabago ng klima at kakulangan sa makinaryang pansaka.

Dumalo sa seremonya ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kabilang sina Polomolok Vice Mayor Jingle Bansuelo, Konsehal Mayabella Bolio, mga opisyal at kawani ng DAR South Cotabato, at mga kasapi ng GCIA, Inc..(By: Sheen Claudette C. Paz-Leyco with inputs from DAR-South Cotabato)