đź“…

Iloilo City – Mahigit isang libong agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang naghintay sa ilalim ng matinding init ng araw, sabik sa matagal na nilang inaasam — at sulit ang lahat ng paghihintay matapos patawarin ang kanilang matagal nang pagkakautang sa lupa na ibinigay sa kanila sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Iginawad ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang nasa kabuuang 2,064 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCRoMs) sa bawat isa sa 1,286 ARBs na bumura sa kabuuang P91.5 milyong utang nila para sa 1,378.2523 ektaryang lupang pansakahan.
Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III na walang iniisip na anumang kapalit ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa mga ARBs kundi ang sikapin nilang payabungin ang kanilang mga ani.

“Ang pagbura sa kanilang utang mula sa mga nabinbin nilang amortisasyon ay balewala kumpara sa kanilang ambag para sa ating layuning magkaroon ng sapat na pagkain para sa lahat,” ani Estrella.
Ibinahagi rin ni DAR Iloilo Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) Harriet A. Loot ang kanyang tuwa:
“Sa wakas, natupad na matagal na nilang pinapangarap. Maipagmamalaki na nila na tunay nang kanila ang kani-kanilang mga sakahan.”
Buong pusong nagpasalamat ang mga ARB na amula pa sa mga bayan ng Anilao, Banate, Barotac Nuevo, Dumangas, Duenas, San Miguel, Leon at Alimodian sa pamahalaan dahill anila magagamit na nila ang kanilang pera sa mga bagay na makakatulong sa pagsasaka – tulad ng binhi, abono at iba pang gamit sa bukid.
Ang pagbura sa mga utang ng ARB ay naisakatuparan sa pamamagitan ng Republic Act No. 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act, na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Hulyo 2023. Layunin ng batas na ito na tuluyang palayain ang mga ARB sa bigat ng hindi nababayarang utang at hikayatin silang maging mas masigasig at produktibong bahagi ng sektor ng agrikultura. (By: Richard B. Gallardo with inputs from DAR-Iloilo)