📅

May kabuuang 656 na Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Agusan del Sur ang nagdiwang makalipas na mapasakamay ng bawat isa ang kani-kanilang bahagi at kontrol sa 1,700 ektaryang lupang sakahan na dati ay kolektibong pag-aari ng kanilang samahan.
Pinuri ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III ang desisyon ng mga ARB na kabilang sa Filipinas Palm Oil Plantation Inc. Agrarian Reform Beneficiaries Multi-Purpose Cooperative (FPPIARBMPC) na paghati-hatian na ang lupa para sa indibidwal na pagmamay-ari, na aniya ay unang hakbang tungo sa higit na masaganang ani at kita sa sakahan.
“Kapag may buong kontrol na ang ARBs sa kani-kanilang sakahan, mas magkakaroon sila ng tiwala sa sarili na gastusan at linangin nang husto mga sakahan,” ani Estrella.
Napansin ni Estrella na karamihan sa mga ARB ang bantulot gumastos at magtrabaho sa kanilang lupa dahil ang kontrol sa lupa ay nasa mga pinuno ng samahan.

Ayon kay Engr. Loida L. Jones, Provincial Agrarian Reform Program Officer, isinagawa ang paghahati ng lupa sa pamamagitan ng raffle o bunutan sa ilalim ng programang Support to Parcelization of Land for Individual Titling (SPLIT).
Ang Project SPLIT ay pangunahing programa ng Department of Agrarian Reform (DAR) na layuning hatiin ang mga collective na titulo (CLOA) upang mabigyan ang bawat benepisyaryo ng sariling titulo ng lupa.
“Sa pamamagitan ng Project SPLIT, pinatunayan ng pamahalaan ang matatag na suporta nito sa reporma sa lupa at kaunlaran sa kanayunan. Pinatitibay nito ang karapatan ng mga benepisyaryo sa kanilang mga lupa,” dagdag ni Jones.
Sinaksihan nina Engr. Rudy S. Solomon, Deputy PARPO; Fe Mosquera, Tagapangulo ng Provincial Agrarian Reform Committee (PARC); at iba pang kawani ng DAR mula sa mga tanggapan ng probinsya at munisipyo ang tumestigo sa isinagawang raffle sa covered court ng Barangay 5 sa bayan ng San Francisco, upang matiyak na patas at malinaw ang proseso. (By: Richard B. Gallardo with inputs from DAR Agusan del Sur)