đź“…

Nilagdaan nina DAR Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Lerma B. Dino at mga kinatawan ng Tagbon Agrarian Reform Cooperative ang mga dokumento para sa pormal na turnover ng Tissue Culture Laboratory at greenhouse facility.

Milagros, Masbate – Isang malaking hakbang sa makabagong pagsasaka ang ginawa ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa pagbubukas ng unang Tissue Culture Laboratory ng saging na Lakatan sa Rehiyon ng Bicol na nagbigay ito ng bagong pag-asa sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Masbate.

Matatagpuan ang laboratoryo sa Tagbon, Milagros at itinurn-over ito sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) project. Layunin nitong matulungan ang mga ARB sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya upang maparami ang ani at mapanatili ang kabuhayan sa bukid.

Ayon kay Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Lerma B. Dino, ito ay isang makasaysayang proyekto para sa rehiyon.

“Ito ang kauna-unahan sa Bicol, at isa itong malaking hakbang sa makabago at maayos na pagsasaka,” ani Dino.

Ang mga miyembro ng Tagbon Agrarian Reform Cooperative sa tabi ng tissue laboratory at greenhouse facility.

“Malaking tulong ang laboratoryong ito para sa inyong kooperatiba at kabuhayan. Nag-invest kami sa teknolohiyang ito dahil naniniwala kami sa inyong kakayahan. Sana ay pangalagaan ninyo ito at ipagpatuloy ang paggamit nito. Huwag kayong mag-alala dahil andito ang DAR at lokal na pamahalaan para suportahan kayo,” dagdag pa niya.

Ang Tagbon Agrarian Reform Cooperative (TARC) na ngayon ang nangangasiwa sa laboratoryo. Gamit ng laboratoryo ang tissue culture technology para mabilis na makapagpalago ng dekalidad, walang sakit, at pare-parehong klase ng banana plantlets sa isang malinis at ligtas na lugar. Dahil dito, inaasahan ang mas mataas at mas magandang ani ng saging, lalo na ng Lakatan variety.

Kasama rin ang Department of Agriculture at ang lokal na pamahalaan ng Milagros sa pagbibigay ng teknikal na pagsasanay sa mga miyembro ng kooperatiba upang matiyak ang maayos at pangmatagalang operasyon ng laboratoryo. Ang TARC ay inaasahang maging sentro ng inobasyon at kaalaman sa agrikultura sa buong Bicol.

Nagpasalamat naman si Rasty Pastrana, Chairman ng TARC, sa tulong ng DAR: “Isang malaking biyaya ito para sa aming kooperatiba. Patunay ito na ang ating pagtutulungan at sipag ay may magandang bunga. Sa aking mga kasamahan, magkaisa tayo upang magtagumpay ang proyektong ito para sa mas maliwanag na kinabukasan ng ating mga pamilya at komunidad.”

Ang bagong laboratoryo ay magandang halimbawa kung paano pwedeng magsama-sama ang teknolohiya, komunidad, at gobyerno upang makamit ang matibay at makabagong sistema ng pagsasaka. Ito ay magbubukas ng pinto para sa mas maayos na kabuhayan at seguridad sa pagkain sa Masbate at sa iba pang lugar. (By: Pinky Roque with inputs from DAR-Masbate)