đź“…

Gasan, Marinduque – Pormal na inilunsad ng Department of Agrarian Reform (DAR), katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at Pamahalaang Lokal ng Gasan, Marinduque, ang Village-Level Farm Enterprise Development (VLFED) Project sa Barangay Tapuyan, Gasan.
Layunin ng proyekto na palakasin ang operasyon ng Tapuyan Farmers Agriculture Cooperative (TAFAC) na kilala sa kanilang produktong Virgin Coconut Oil (VCO).
Kabilang sa mga isasagawang tulong ay ang pagsasaayos at pagpapahusay ng processing center ng TAFAC, gayundin ang pagpapabuti ng sistema ng kanilang produksyon, pag-iimpake, at branding, upang mas mapalawak ang kanilang merkado.
Kabilang sa mga pangunahing produkto ng TAFAC ay ang roll-on VCO na may natural na halimuyak gaya ng lemon, orange, ylang-ylang, at citronella – isang makabago at kaaya-ayang paraan ng paggamit ng tradisyunal na langis ng niyog.

Ayon kay DAR Marinduque Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Virgilio Laggui, ang proyekto ay hindi lamang para sa pisikal na pagpapabuti ng pasilidad kundi para rin sa pagsuporta sa makabago at malikhaing ideya.
“Layunin naming tulungan natin ang TAFAC na makipagsabayan sa mas malawak na merkado habang pinananatili ang kanilang malasakit sa komunidad,” ani Laggui.
Nakilala ang roll-on VCO ng TAFAC dahil sa kakaibang kombinasyon ng tradisyunal na benepisyo ng langis ng niyog at modernong disenyo, kalakip ang mga natural na amoy.
Bilang isang lokal na lider sa produktong gawa sa niyog, na nakatuon sa kalusugan at inobasyon, hangad ng TAFAC na mapalawak pa ang kanilang saklaw at mapabuti ang kabuhayan ng kanilang mga kasaping Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Dumalo sa paglulunsad at pirmahan ng Memorandum of Agreement ang mga kinatawan mula sa DAR, DTI, LGU Gasan, at iba pang stakeholders tulad nina Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Rafaela Orilla, Sangguniang Bayan Member Harold Lim, at VLFED Coordinators na sina Josephine Malapad at Marlet Jusayan.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa DAR. Malaking tulong ito upang lumago ang aming maliit na negosyo at maging tuloy-tuloy na pagkakakitaan ng aming mga miyembro,” ayon kay TAFAC Chairman Restituto Constibolo.
Ipinapakita ng VLFED Project ang patuloy na pagsuporta ng DAR sa mga ARB upang maging matagumpay na agro-entrepreneur sa pamamagitan ng inobasyon, pagtutulungan, at pagkakaisa sa komunidad. (By: Medel Mercado with inputs from DAR-Marinduque)