đź“…

San Jose, Tarlac – Mula sa pagiging isang tahimik at bayang hirap sa kabuhayan, unti-unting umangat ang San Jose, Tarlac bilang isang kilalang agro-ecotourism destination sa tulong ng National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD).

Ang matagumpay na pagbabago ng San Jose ay bunga ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan — ang Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang matibay na suporta ng lokal na pamahalaan at pribadong sektor.

Ginamit sa pagsulong ng bayan ang likas na yaman ng Bulsa-Moriones River System (mahigit 46,000 ektarya) at O’Donnell River System (mahigit 29,000 ektarya), gamit ang ecosystem-based approach. Dahil dito, itinaas ang antas ng San Jose bilang isang first-class municipality, patunay ng pag-unlad ng ekonomiya nito.

“Bunga ito ng pagkakaisa at pagtutulungan. Malaki ang naging tulong ng convergence initiative dahil bawat ahensya ay nag-ambag ng kanilang lakas para solusyunan ang problema ng aming komunidad,” ayon kay Mayor Romeo Capitulo, na ginawaran din ng Seal of Good Local Governance habang isinasagawa ang mga pagbabago sa bayan.

Naging mahalaga ang papel ng DAR sa pagbabagong ito sa pamamagitan ng suporta sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at mga kooperatiba ng magsasaka. Hindi lamang sila pinalakas bilang mga magsasaka, kundi bilang mga tagapangalaga ng kalikasan sa paligid ng mga ilog. Sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), naisakatuparan ang sabay na pag-unlad ng kabuhayan at pangangalaga sa kalikasan.

lan sa mga pangunahing proyekto sa San Jose at karatig na lugar na nagpapakita ng balanseng pagsulong ng agrikultura at turismo ay:

· Pag-upgrade ng mga reservoir sa Balnges at Mangilog bilang pinagkukunan ng patubig;

· Pagkumpuni ng Lubigan-Tala Road para mapadali ang biyahe papunta sa malalayong barangay;

· Pag-aayos ng Ngile River para sa pangmatagalang rehabilitasyon ng watershed;

· Pagsasama ng Mt. Sawtooth at iba pang likas na yaman sa mga plano para sa ecotourism;

· Patuloy na konstruksiyon ng Balog-Balog Dam bilang karagdagang mapagkukunan ng patubig.

Ayon kay DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer Garland Leila A. Cuarteros: “Ang pagbabago sa San Jose ay dahil sa tulong na binigay namin sa mga ARB para pangalagaan ang kapaligiran sa ilalim ng NCI-SRD. Sa pagbibigay ng kasanayan, kagamitan, at market access sa mga ARBs, naiangat ang kabuhayan at kalikasan, lalo na ang Bulsa-Moriones at O’Donnell River Systems.”

Bilang bahagi ng NCI-SRD, nagsagawa ang DAR ng mga pagsasanay sa sustainable and ecosystem-sensitive na pagsasaka, pamamahagi ng angkop na farm machineries and equipment (FMEs), pagbuo ng mga pang-kabuhayang aktibidad, tulong sa pagbebenta ng mga produkto ng ARBs. Nakipagtulungan din ang DAR sa LGU sa pagpapatayo at pagsasaayos ng mga kalsadang pang-agrikultura para mapadali ang pagdadala ng ani sa pamilihan.

“Malaking tulong ang maayos na daan. Dati, hirap kami magbenta ng ani dahil sa sirang daan at layo ng merkado. Ngayon, mas mabilis ang biyahe at mas mabilis maibenta ang aming produkto, kaya mas mataas ang kita namin,” ani Arnel Torres, isang ARB.

Dahil sa NCI-SRD, nabawasan ang kahirapan sa bayan, tumaas ang kita ng mga pamilya at ng lokal na pamahalaan. Dumami rin ang mga bumibisita sa mga ecotourism sites na kadalasang pinamamahalaan na ngayon ng mga ARB. Mas gumanda ang buhay ng mga residente lalo na sa mga liblib na barangay, tumaas ang kanilang kita, at nagkaroon ng mas magandang access sa mga serbisyong pampubliko.

Ngayon, itinuturing ang San Jose, Tarlac na modelo ng napapanatili at sama-samang pag-unlad sa kanayunan. Ipinapakita ng tagumpay na ito kung gaano kahalaga ang pagtutulungan sa ilalim ng NCI-SRD at ng mga ahensya ng gobyerno at ang mahalagang papel ng DAR sa pagbibigay ng kapangyarihan sa mga komunidad upang umasenso nang may paggalang sa kalikasan. (By: Pinky Roque with inputs from DAR-Tarlac)