đź“…

Bohol – Mas pinalakas ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pagtulong sa pagpapanatili ng kalinisan at katatagan ng Carood Watershed, isang mahalagang pinagkukunan ng tubig para sa mga kabahayan, irigasyon, at agrikultura sa pitong bayan sa silangang bahagi ng Bohol.
Bahagi pa rin ito ng pakikiisa ng DAR sa National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD) — isang inter-agency program ng pamahalaan na layuning isulong ang pag-unlad sa kanayunan, masaganang agrikultura at pangangalaga sa kalikasan sa mga tinaguriang convergence areas gaya ng Carood Watershed.
Sakop ng Carood Watershed ang mahigit 20,400 ektarya ng lupa sa mga bayan ng Alicia, Anda, Candijay, Guindulman, Mabini, Pilar at Ubay. Sa kabila ng kahalagahan nito, nanganganib ang mga lugar mula sa soil erosion, pagbaha, at maling paraan ng pagsasaka.
Bilang tugon, nakilahok ang DAR Bohol sa reforestation sa ilalim ng programang “Trees for Unity” na inilunsad noong Nobyembre 2022, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bohol at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Mahalaga ang pagtatanim ng puno upang mapigilan ang pagguho ng lupa, mapanumbalik ang likas na yaman, at mapanatili ang sapat na suplay ng tubig sa mga ilog at dam na nagsusuplay sa mga sakahan at komunidad. Nakatutulong din ito upang maiwasan ang pagbaha at tagtuyot, gayundin ang mapanatiling balance sa kalikasan.
“Ang pangunahing pananim dito ay palay, at halos lahat ng aming mga magsasaka ay umaasa sa Malinao Dam bilang pangunahing pinagkukunan ng tubig para sa pagsasaka sa Pilar,” ayon kay Irene C. Cubrado Jr., Municipal Agriculturist ng La Suerte, Pilar.
Bukod sa pagtatanim ng puno, pinalalawak din ng DAR ang suporta sa teknikal at pangkabuhayan para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at mga kooperatibang tumutulong sa pangangalaga ng watershed. Kabilang dito ang pagsasanay, suporta sa organic farming at maliliit na proyektong pangkabuhayan.
Isang halimbawa ay ang La Suerte Organic Vegetable Growers Association (LASOVEGA) na nagsusulong ng organic farming at pangangalaga sa kalikasan. Gumagawa rin sila ng vermicast at nagsusuplay ng gulay sa mga lokal na pamilihan at institusyon.
Sa Mahayag, Alicia, nagbigay ang DAR ng Farm Machineries and Equipment (FMEs) sa ilalim ng Major Crop Block Farming Program at anim (6) na electronic land titles sa mga ARB 0na may kabuuang 6.9752 ektarya. Inaasahang mas lalago pa ang produksyon ng palay at pananim sa upland areas para sa mga kasapi ng Mahayag Alicia Farmers’ Association, Inc. (MAFAI).
Kumita rin ng ₱51,150 ang Mabini Reforestation Multi-Purpose Cooperative mula sa pagbebenta ng tilapia noong Enero 2025—isang halimbawa ng pagsuporta ng DAR sa mga samahan na may ambag sa pangangalaga ng watershed.
Muling magpapamahagi ang DAR ngayong Mayo 2025 ng mga alagaing hayop at kagamitang pangsaka sa ilalim ng Sustainable Livelihood Support Project. Kabilang sa ipamamahagi ang mga kambing, baboy, hand tractor, at water pump sa ARB Organizations (ARBOs) sa Alicia at Mabini. (By: Pinky Roque with inputs from DAR-Bohol)