📅

Ipinagkaloob ng DAR at Local Government Unit ng Bulan ang Php 35-milyong Farm-to-Market Road (FMR) sa Barangay Taromata at Sitio Gabod, Sorsogon, upang mapabuti ang ang daan patungo sa mga pamilihan at mapalago ang kabuhayan sa kanayunan.

Bulan, Sorsogon – Pormal na inilunsad ng Department of Agrarian Reform (DAR), katuwang ang Local Government Unit ng Bulan, ang isang Farm-to-Market Road (FMR) na nagkakahalaga ng Php35 milyon para sa mga residente ng Barangay Taromata at Sitio Gabod sa lalawigan ng Sorsogon.

Direktang makikinabang sa proyekto ang 65 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at 361 kabahayan sa lugar. Sakop ng proyekto ang pagpapasemento ng 0.404 kilometrong kalsada na nag-uugnay sa Taromata at Sitio Gabod. Pinondohan ito sa ilalim ng Agrarian Reform Fund (ARF) ng DAR para sa CY 2023. Layunin ng proyekto na mapabuti ang daan patungo sa mga pamilihan, mapababa ang gastusin sa transportasyon, at mapalago ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.

Matatagpuan sa isa sa mga pinaka-liblib na barangay sa bayan, sinimulan ang konstruksyon noong Pebrero 8, 2024 at natapos noong Marso 10, 2025 – patunay ng dedikasyon ng LGU sa mabilis at epektibong paghahatid ng mga pampublikong serbisyo.

Binigyang-diin ni DAR Project Management Service (PMS) Director Von Mark Mendoza ang patuloy na paninindigan ng ahensya sa pagbibigay-serbisyo sa agrarian reform communities (ARCs).

Ipinagkaloob ng DAR at Local Government Unit ng Bulan ang Php 35-milyong Farm-to-Market Road (FMR) sa Barangay Taromata at Sitio Gabod, Sorsogon, upang mapabuti ang ang daan patungo sa mga pamilihan at mapalago ang kabuhayan sa kanayunan.

“Ang seremonyang ito ay patunay ng aming walang sawang suporta sa mga ARB. Nais naming iparating na laging nandito ang DAR para tumugon sa inyong mga pangangailangan,” ani Mendoza.

Dagdag pa niya na ang proyekto ay patunay ng pamumuno ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III at ng mas malawak na layunin ng administrasyon na maisulong ang kaunlaran sa kanayunan.

“Ang proyektong ito ay patunay ng dedikasyon ni Secretary Conrado Estrella III na maihatid ang mga kinakailangang serbisyo sa mga ARB, ARB Organizations (ARBOs), at lahat ng mga magsasaka. Alinsunod po ito sa direktiba ng ating mahal na Pangulo Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.,” dagdag ni Mendoza.

Ipinahayag naman ni Eleanor F. Torres, Officer-in-Charge ng Provincial Agrarian Reform Program Office II (OIC-PARPO) ng DAR Sorsogon, ang kanyang kasiyahan at pag-asa dahil ang natapos na kalsada ay bahagi lamang ng mas malawak pang plano para sa imprastraktura sa lugar.

“Isang malaking hakbang ito para sa simula ng pag-unlad ng kabuhayan ng ating mga ARB sa Barangay Barangay Taromata. Ang kalsadang ito ay magbibigay-daan sa mas mabilis, ligtas, at maayos na pagdadala ng kanilang mga produkto sa mga pamilihan,” ani Torres.

Ang FMR project ay bahagi ng Agrarian Reform Beneficiaries Development and Sustainability Program (ARBDSP) ng DAR, na naglalayong paghusayin ang akses sa kanayunan, palakasin ang produksyon sa agrikultura, at iangat ang kalidad ng buhay sa mga ARC sa buong bansa. (Prepared and written by: Sheen Claudette C. Paz-Leyco with inputs from DAR-Sorsogon)