đź“…

Mas pinadali ng DAR ang pagmamay-ari ng lupa sa direktang paghahatid ng 153 e-Titles sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Brgy. Boboy, Agno, na sinisigurong walang magsasakang maiiwan.

Agno, Pangasinan – Bilang bahagi ng layunin ng pamahalaan na gawing mas madali at pantay-pantay ang pagbibigay ng serbisyong agraryo, personal na inihatid ng Department of Agrarian Reform (DAR) Pangasinan ang 153 electronic land titles (e-Titles) sa mismong tahanan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Barangay Boboy, Agno.

Ipinakita ng aktibidad ang pagtutok ng pamahalaan sa pagkakapantay-pantay ng kababaihan, at kalalakihan sa agrikultura, at ang pagsiguro na parehong nakikinabang ang mga magsasakang babae at lalaki sa mga programang agraryo.

Sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (Project SPLIT), may kabuuang 228.82 ektarya ng lupa ang ipinagkaloob sa 122 ARBs. Layunin ng Project SPLIT na hatiin ang mga collective Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) na ibinigay sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) upang magkaroon ng sariling titulo ang bawat ARB. Mas pinalalakas nito ang karapatan nila sa lupa at binibigyan sila ng mas magandang oportunidad sa tulong ng pamahalaan at pautang.

Mas pinadali ng DAR ang pagmamay-ari ng lupa sa direktang paghahatid ng 153 e-Titles sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Brgy. Boboy, Agno, na sinisigurong walang magsasakang maiiwan.

Sa pamamagitan ng Serbisyong DAR-to-Door, tinahak ng mga empleyado ng DAR ang bulu-bunduking bahagi ng Barangay Boboy upang personal na maihatid ang mga e-Title —patunay ng matatag na paninindigan ng ahensya na walang ARB ang dapat maiiwan, kahiit nasa malalayong lugar.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) Raymond Niño Yu, “Ang direktang pamamahagi ng e-Titles ay tunay na paglilingkod sa mamamayan. Sa bawat titulo na naihahatid namin, katuparan ito ng isang pangarap at pagbubukas ng mas maganda at mas tiyak na kinabukasan para sa ating mga ARB.”

Lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa DAR sa pangunguna nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Kalihim Conrado Estrella III, sa pagtupad sa pangakong pagbibigay ng lupa sa mga pamilyang Pilipino sa kanayunan.

Dumalo rin sa pamamahagi ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Agno at si Atty. Tristan Juvenino Adviento ng Legal Division ng DAR Pangasinan.

Ang kaganapang ito ay hindi lamang simpleng pamamahagi ng titulo ng lupa—ito ay isang konkretong hakbang tungo sa mas inklusibo, patas at maaasahang kinabukasan para sa lahat ng Pilipinong magsasaka. (By: Pinky Roque with inputs from DAR-Pangasinan)