📅

Sablayan, Occidental Mindoro — Nagkaloob ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa Occidental Mindoro ng ₱3-milyong halaga ng Farm Machineries and Equipment (FMEs) sa dalawang (2) Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) sa Sablayan upang palakasin ang kakayahan ng lokal na komunidad sa agrikultura, lalo na ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Tumanggap sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPSP) ng DAR, ang San Miguel Multi-Purpose Cooperative (SAMMUCO) ng 50HP 4WD na traktora, habang tumanggap naman ang Samahang Gumagawa Tungo’ng Tagumpay Multi-Purpose Cooperative (SAGUTT MPC) ng 70HP combined harvester.
Ang makabagong FMEs na ito ay inaasahang magpapataas ng ani, magpapagaan sa manwal na gawain, at magsusulong ng makakalikasang paraan ng pagsasaka.

Kabilang sa mga makinang ito ang mga gamit na idinisenyo upang mapabuti ang paraan ng pagsasaka, mapaganda ang ani, at matulungan ang mga magsasaka na makibagay sa epekto ng pagbabago ng klima — mahalaga ito lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng pabago-bagong panahon at kulang sa kagamitan.
Pinangunahan nina OIC-Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Ferdinand De Gala at Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Engr. Rey Arnold Pastores ang seremonya ng turnover, kasama ang mga tauhan ng DAR provincial office, kinatawan mula sa LGU at iba pang katuwang na ahensya.
Ayon kay De Gala, ang proyektong ito ay hindi lang magpapalakas sa kakayahan ng mga ARB at kooperatiba kundi isa ring mahalagang hakbang patungo sa mas maunlad na hinaharap ng agrikultura sa Occidental Mindoro.
“Ang suportang ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas matatag, mas independent, at climate-resilient na sektor ng agrikultura — kung kailan ang makabago at makakalikasang teknolohiya ang nagsisilbing pundasyon ng pag-unlad,” ayon kay De Gala. (By: Medel Mercado with inputs from DAR-Occidental Mindoro)