📅

Aleosan, North Cotabato – Bilang bahagi ng pagpapaunlad ng agrikultura sa kanayunan at pagbibigay-kapangyarihan sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), nagkaloob ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng dalawang (2) 6-wheeler hauling trucks na nagkakahalaga ng kabuuang ₱5 milyon sa dalawang (2) ARB Organization (ARBO) sa North Cotabato.
Nakatanggap ang Tomado Free Farmers Cooperative ng Aleosan at ang Upper Pacao Agrarian Reform Cooperative ng Alamada sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPSP) ng DAR. Layunin ng programa na mapabuti ang pagdadala ng ani mula sa bukid patungong pamilihan, at pataasin ang kita ng mga kooperatiba.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Evangeline Bueno, malaking tulong ang mga truck sa pagpapabuti ng kakayahan ng mga kooperatiba sa pagbebenta, lalo na sa pagbiyahe ng mga Cardava banana at iba pang high-value crops mula bukid patungong konsolidasyon at institutional markets.

Dagdag pa ni Bueno, hindi lamang ito basta sasakyan – simbolo rin ito ng mas mataas na kita, mas kaunting nasasayang na ani, at mas maayos na sistema sa pagbiyahe ng mga produkto ng mga magsasaka. Matagal na umanong hirap ang mga ARBs sa kakulangan ng transportasyon.
Pinaalalahanan din ni Bueno ang mga ARBO na pangalagaan, gamitin ng maayos, at regular na i-monitor ang mga kagamitang ito. Hinihikayat din niya ang mga Barangay Local Government Units (BLGUs) at iba pang katuwang na ahensya na aktibong makilahok sa pagsubaybay sa proyekto upang matiyak ang pangmatagalang tagumpay nito.
Dumalo sa simpleng seremonya ng turnover ang mga pangunahing opisyal ng DAR, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, at mga miyembro ng ARBO, kung saan umapaw ang pasasalamat at pag-asa ng mga magsasaka para sa kanilang magandang bukas.
Ayon Joey Obenza, Chairman ng Upper Pacao Agrarian Reform Cooperative: “Lubos po kaming nagpapasalamat sa suportang ibinigay ng DAR. Malaking tulong po ito sa aming operasyon, at sisiguraduhin naming magagamit ito nang tama para sa kapakinabangan ng lahat ng miyembro.”
Ang pagkakaloob ng FMEs ay bahagi ng mas malawak na layunin ng DAR na tulungan ang mga ARB na magkaroon ng mas magandang kabuhayan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitan, imprastraktura, at oportunidad sa merkado upang sila ay makasabay sa mapagkumpitensyang sektor ng agrikultura. (By: Medel Mercado with inputs from DAR-North Cotabato)