📅

Dasmariñas, Cavite – Ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang isang greenhouse at isang vermicomposting facility na nagkakahalaga ng P1.5 milyon sa United Caragao Farmers, Inc. (UCFI), isang agrarian reform beneficiary organization (ARBO) na sinusuportahan ng DAR sa Cavite.
Matatagpuan sa Barangay Sampaloc II, Dasmariñas, Cavite, ang UCFI ay binubuo ng 50 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na mga miyembro na ang pangunahing pananim ay mais at gulay.
Ang mga pasilidad ay bahagi ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) Project ng DAR, isang programa na naglalayong mapataas ang ani at kita ng mga ARB sa pamamagitan ng maka-kalikasang pagsasaka na kayang tumugon sa epekto ng pagbabago ng klima.

Ang bagong greenhouse, na may sukat na 374.36 metro kuwadrado, ay may tatlong bay na may bentilasyon sa itaas para sa tamang daloy ng hangin at nilagyan ng drip at overhead sprinkler irrigation system na kumpleto sa pump set. Kaya nitong makatagal sa lakas ng hangin na hanggang 120 kph at may kasamang mga seedling table at tray. Sumusuporta rito ang 33 metro kuwadradong vermicomposting house, na kumpleto sa mga composting bed para sa paggawa ng organikong pataba.
Ang turn over ay pormal na isinagawa sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DAR at UCFI. Sa ilalim ng MOA, popondohan ng DAR ang mga pasilidad, mamamahala sa pagpapatupad ng mga aktibidad ng programa sa Cavite, regular na susubaybayan ang mga operasyon at pagpapanatili, at magbibigay ng teknikal na suporta. Ang UCFI, sa kanilang panig, ay maglalaan ng hindi bababa sa 450 metro kuwadradong lupa, sasagutin ang mga gastos sa operasyon at maintenance, at gagamitin ang pasilidad para sa kapakinabangan ng mga ARB sa buong lalawigan.

Binigyang-diin ni DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) Arthur James Dubongco ang kahalagahan ng pang-matagalang epekto ng proyektong ito.
“Sa ilalim ng proyekto ng CRFPS, magsasagawa ang DAR ng serye ng mga pagsasanay at oryentasyon para sa mga magsasaka ng UCFI tungkol sa vermicomposting, organic farming, pagpapanatili ng greenhouse at vermi house, at agri-business management. Sa tulong ng mga pasilidad at training na ito, malaki ang tsansa na tumaas ang kita ng ating mga ARB, hindi lamang mula sa kanilang pangunahing pananim kundi pati na rin sa pagbebenta ng kanilang sariling vermicompost fertilizers at mga punla ng gulay,” ayon kay Dubongco
Nagpahayag ng lubos na pasasalamat si Enrique Paras, chairman ng United Caragao Farmers Inc. (UCFI).
“Malaking tulong po ito sa amin. Makakatipid na kami dahil hindi na kailngang bumili ng mga punla at abono. Gagawa na kami ng sarili naming fertilizers mula sa vermicomposting,” ani Paras.
Ang inisyatibong ito ang patunay ng matibay na pangako ng DAR na bigyan ng sapat na imprastratura at kaalaman ang mga ARB upang harapin ang mga epekto ng pagbabago ng klima, magkaroon ng mas matatag na kabuhayan, at mapalakas ang seguridad sa pagkain ng mga agrarian reform communities. (By: Pinky Roque)