📅

Kasibu, Nueva Vizcaya – Namahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa Nueva Vizcaya ng Farm Machineries and Equipment (FMEs) na nagkakahalaga ng ₱1.4 milyon sa St. Patrick Parish Multi-Purpose Cooperative (SPPMPC), kung saan makikinabang ang 2,546 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at kanilang mga pamilya.
Kabilang sa ipinamahaging mga kagamitan ang isang 24-horsepower na four-wheel-drive tractor na may rotary tiller, isang compact tiller, at isang grass cutter, na may kabuuang halaga na ₱1,485,800.00. Inaasahang makatutulong ang mga makabagong kagamitang ito sa pagpapataas ng ani, pagbawas ng oras at bigat ng paggawa, at pag-aangkop ng mga magsasaka sa epekto ng pagbabago ng klima sa lokal na agrikultura.
Ayon kay Engr. David B. Villanueva, Jr., Officer-in-Charge Provincial Agrarian Reform Program Officer II (OIC PARPO II), bahagi ito ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) Project sa ilalim ng Major Crop Block Farm Productivity Enhancement component. Layunin ng proyektong ito na patatagin ang kakayahan ng mga ARB sa gitna ng mga hamon sa klima sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga makinaryang pansakahan para sa mas maayos at tuloy-tuloy na kita sa pagsasaka.

“Layunin ng proyektong ito na matulungan ang ating mga ARB na tumaas ang kanilang ani at kita sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng makabagong kagamitan,” ani Villanueva.
Sa pagtanggap ng mga makinarya para sa kooperatiba, nagpaabot ng pasasalamat si Leonida H. Canayan, Vice Chairperson ng Board of Directors ng SPPMPC, sa patuloy na suporta ng DAR sa mga magsasaka.
“Lubos ang aming pasasalamat sa tulong na ito na tiyak na magpapagaan sa aming manwal na gawain at magpapabilis sa operasyon sa aming trabaho sa bukid. Isa itong malaking hakbang para sa pag-unlad ng aming mga miyembro,” saad ni Canayan.
Sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Conrado M. Estrella III, nananatiling tapat ang DAR sa pagtulong sa mga magsasaka upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kinakailangang kagamitan at suporta upang mapangalagaan at mapaunlad ang kanilang sakahan, makasabay sa mga hamon, at matamo ang isang mas ligtas, masagana, at pangmatagalang kinabukasan. (Prepared and written by: Sheen Claudette C. Paz-Leyco with inputs from DAR Nueva Vizcaya)