📅

Ozamis City, Misamis Occidental – Namahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng mahigit ₱3.5 milyon na halaga ng Farm Machineries and Equipment (FMEs), titulo ng lupa, at pagkakansela ng utang sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Misamis Occidental upang matulungan silang mapataas ang ani at mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
Sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP), nagbigay ang DAR Provincial Office ng kabuuang ₱3,508,300 na suporta sa sampung (10) Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs). Kabilang sa natanggap ng mga grupo ang:
· 10 unit ng tatlong-gulong na sasakyan
· 50 knapsack sprayers
· 598 sachet ng organic fertilizer
Sinabi ni Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Dr. Mohammad Abdul Jabbar M. Pandapatan, DPA na makatutulong ang FMEs na ito sa pagdadala ng ani, maayos na pamamahala sa pananim, at pagsulong ng organic farming. Ang proyektong ito ay pinondohan mula sa Agrarian Reform Fund (ARF).

Namahagi rin ang DAR ng 32 electronic land titles (e-titles) sa 31 magsasaka mula sa bayan ng Lopez Jaena, na sumasaklaw sa 17.73 ektarya ng lupang pansakahan. Ibig sabihin nito, tuluyan nang naipasa sa kanila ang pagmamay-ari ng lupa.
Bukod pa rito, 24 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCROMs) ang ipinamahagi sa 22 benepisyaryo, na may kabuuang halaga ng utang na ₱455,603.92 na kinansela. Kalakip nito ang pagpapalaya sa 29.49 ektarya ng lupa mula sa pagkakasanla.
“Hindi lang ito tungkol sa kagamitang ipinapamahagi o dokumentong ibinibigay. Layunin naming bigyan ang mga ARB ng sapat na kakayahan at kumpiyansa para umasenso,” ani PARPO Pandapatan.
Dagdag pa niya na ang DAR ay katuwang sa pagkakaloob ng mas magandang kinabukasan para sa mga ARB at mga komunidad nito.
Bilang bahagi ng maayos na paggamit ng mga ipinagkaloob na FMEs, pumirma ng kasunduan sa pananagutan ang DAR at mga tumanggap na ARBOs.

Ang 10 ARBOs na tumanggap ng tulong ay ang mga sumusunod:
· Landing Farmers Cooperative (LANFARCO), Baliangao
· Casul Fishermen’s Multi-Purpose Cooperative, Sapang Dalaga
· ANAK Multi-Purpose Cooperative, Calamba
· Panalsalan ARBA Inc., Plaridel
· Sibula Farmers Cooperative (SILFAMCO), Lopez Jaena
· Burgos Agrarian Reform Association Inc., Oroquieta City
· Camating CARPBA Inc., Tudela
· Rising Trigos CARPBA Inc., Ozamiz City
· Caniangan Agrarian Reform MPC, Tangub City
· Mauswagon Agrarian Reform Community Cooperative (MARCCO), Bonifacio.
Sa naturang kaganapan, inilunsad din ang DAR-to-Door Distribution, kung saan direktang dinadala ng DAR ang mga serbisyo sa mga ARB.
Magpapatuloy ang programang ito sa mga susunod na lingo upang maabot ang mas maraming ARBs sa buong lalawigan at ipagpatuloy ang kanilang pangako sa inklusibong pag-unlad ng kanayunan. (By: Resurreccion Arcaina with inputs from DAR-Misamis Occidental)