๐Ÿ“…

Pinangunahan ni DAR Undersecretary para sa Field Operations Office Atty. Kazel C. Celeste ang pamamahagi ng 3,242 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) na may kabuuang halagang mahigit Php 116.5 milyon sa 2,332 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Rehiyon ng Cagayan Valley.

Ilagan City, Isabela โ€“ Namahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng 3,242 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) na may kabuuang halagang Php 116.5 milyon sa 2,332 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Rehiyon II.

Pinangunahan ni DAR Undersecretary para sa Field Operations Office (FOO) Atty. Kazel C. Celeste ang seremonya ng pamamahagi sa Ilagan City, Isabela.

Ito ang ikalawang bugso ng distribusyon ng COCROM sa Cagayan Valley alinsunod sa Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA), isang makasaysayang batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. noong Hulyo 7, 2023 na layuning burahin ang lahat ng hindi pa nababayarang amortisasyon, interes, multa, at surcharges ng mga ARB.

May kabuuang 3,242 COCROM ang naipamahagi sa 2,332 ARB mula sa Cagayan, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya, na dating baon sa pagkakautang sa tinatayang halaga na Php 116,515,323.20. Sa bisa ng COCROM, tuluyan nang naipasa sa kanila ang buong pagmamay-ari ng kanilang sinasakang lupa na sumasaklaw sa kabuuang 2,818.52 ektarya ng lupang agrikultural.

Nakatanggap ng kanilang Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) ang 2,332 ARBs mula sa Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya mula sa DAR noong Abril 30, 2025 sa Ilagan City, Isabela.

โ€œHndi lang isang simpleng papel ang ipinamahagi sa inyo. Ang papel na ipinagkaloob sa inyo ngayong araw na ay isang simbolo ng paglaya ninyo sa utang sa lupa,โ€ ani Usec. Celeste.

Ang pamamahaging ito ay kasunod ng naunang bugso noong huling bahagi ng 2024 sa Cabagan, Isabela at Solana, Cagayan, kung saan 22,359 ARBs ang nakatanggap ng 33,053 COCROM na sumasaklaw sa 28,544 ektarya.

Sa pamumuno ni Regional Director Primo C. Lara, patuloy ang DAR Region II sa pagbibigay ng seguridad sa pagmamay-ari ng lupa sa pamamagitan ng pamamahagi ng Emancipation Patents (EPs), Certificates of Land Ownership Award (CLOAs), at mga e-titles sa ilalim ng Project SPLIT. Mula Nobyembre 2024 hanggang Abril 2025, mahigit 2,000 titulo ng lupa ang naipamahagi sa higit 1,800 ARBs na sumasaklaw sa halos 3,135 ektarya ng lupang pansakahan sa buong rehiyon.

โ€œAng mga pagsusumikap na ito ay patunay ng aming hindi matitinag na paninindigan sa katarungang pang-agraryo at kaunlaran sa kanayunan. Ang mga ARB ang aming VIP. Sa Rehiyon Dos, ang magsasaka ang bida,โ€ ani Director Lara, na kinilala rin ang pagtutulungan ng mga tanggapan ng DAR sa rehiyon at lalawigan, mga lokal na pamahalaan, at mga katuwang na ahensya.

Sa patuloy na pamamahagi ng COCROM at mga titulo ng lupa, ang NAEA ay nagiging mabisang instrumento para wakasan ang suliranin ng kawalan ng lupa at maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka tungo sa sama-sama at masaganang sektor ng agrikultura. (Prepared and written by: Sheen Claudette C. Paz-Leyco)